May katwirang maging mahina sa History sapagkat natuklasan na maraming mali ang History textbook na idinistribute sa mga public high schools sa buong bansa. May 431 "factual and grammatical errors" ang History book na "Asya 2000: Noon, Ngayon at sa Hinaharap" batay sa pagsusuring ginawa ng isang academic supervisor ng Marian School sa Sauyo, Novaliches, Quezon City. Sinabi ni Antonio Calipjo-Go na error-riddled ang librong inilathala ng Vibal Publishing sa pamamagitan ng sister company nitong SD publications. Noon pang 1997 naapproved ang libro para gamitin ng mga second year high school students.
Paano nakalusot sa Department of Education (DepED) ang ganitong tadtad na maling textbook? Hindi ba ito nirerebisa muna ng mga opisyales ng DepEd bago mag-imprenta nang maraming kopya. Tinatayang nasa 1.1 million kopya ang naipamahagi na ng DepEd sa may 5,000 high schools sa buong bansa.
Kung 1997 pa naipamahagi ang textbook na ito, marami nang estudyante sa high school ang nakalunok nang maling impormasyon at maling grammar. Hindi nakapagtataka na maraming estudyante ang nahihirapang mag-English carabao ngayon.
Umalingasaw ang textbook scam sa panahon ni dating President Joseph Estrada. Sa Malacañang pa nagkaroon ng suhulan. Wala namang pating na nahuli at bagkus mga dilis lamang ang nalambat. Hanggang ngayon, wala nang nakaaalam kung ano na ang nangyari sa scam na iyon.
Nararapat kumilos ang DepEd sa palpak na textbook o mga "textbulok". Kakahiya kung magpapatuloy pa ang pagsasaksak ng mga mali sa kukote ng mga estudyante.