Maski Muslim, Arabo suklam sa terorismo

PATI kapwa-Muslim at kapwa-Arabo ay kinilabutan sa napanood sa TV na brutal na pagpatay sa mga bata sa elementary school sa Chechnya. Suportado nila ang hangad ng Chechens, karamiha’y Muslim, na lumaya mula sa Russia. Pero hindi nila tanggap ang pagbaril ng 10 Arabo sa mahigit 340 bata at magulang dahil lang tumanggi si Russian President Vladimir Putin na palayain ang mga bihag na Chechen rebels.

"Bakit pati bata dinamay?" tanong ng marami sa Middle East. "Bakit ‘yung magpinsang dalagita, edad-12 at 13, binaril habang paalis sa gym na pinasabog ng terrorists, isa ay 46 ang tama sa likod?" Babala ng ilan na lalo lang ‘yon magdudulot ng galit sa mga Muslim. Puntirya ng pahayagang Arabo, Asharq Al-Awsat, "Mapait na katotohanan na lahat ng international terrorists ay Muslim." Dagdag ng manager ng Al-Arabiya television, "Ang mga anak nating terorista ay bunga ng bulok nating kultura."

Hindi lahat ng Muslim ay extremist ang interpretasyon sa Koran kaya nagiging terorista. Karamihan ay naniniwala sa payapang pagkilos, at sa karapatang sumamba sa nais. ‘Yun nga lang, tulad ng Kristiyano, meron ding panatikong Muslim. ‘Yun ang naniniwala na sila lang ang tama, at kumikitid ang pananaw dahil sa sinalihang sekta.

Isa nang sekta ‘yung mga dumukot kay Angelo de la Cruz sa Iraq. Pati kay propetang Muhamad ay galit sila; pinatay ng founder nila 600 taon na ang lumipas ang kaisa-isang apo ni Muhamad. Nais nilang lipulin lahat ng hindi Muslim, tapos ay ubusin lahat ng Muslim na hindi ka-sekta.

Isa ring sekta ang Wahhabi na itinuturo sa ilang madrasah (religious school sa mosque) sa Mindanao. Galing sa Saudi Arabia ang sekta. Kapalit ng hindi pagtuligsa sa monarkiyang payag sa US military bases sa Saudi, pinopondohan ng hari ang pagkalat ng Wahhabi sa Saudi, Afghanistan, Chechnya, Pakistan at Pilipinas. Turo ni Wahhab na naghihirap ang mga Muslim dahil sa Western powers-Amerika at Uropa. Pero tinatago nito ang katotohanang may mga hari, sheik, sultan at datu na umaapi sa kanila. Isa sa mga kampon ni Wahhab si Osama bin-Laden.

Show comments