Nitong nakaraang ilang araw, ibinalita naman ni Budget Secretary Emilia Boncodin na tatapyasin na raw ang 40 percent sa pork ng mga senador at mga kongresista. Batay dito, ang matitira sa mga senador ay P120 milyon bawat isa at ang bawat congressman naman ay P28 milyon. Subalit hindi pa raw ito approved sa mga senador at mga kongresista. Ano ba talaga ang totoo?
May balita rin na hindi na muna ibibigay ang Internal Revenue Allocation (IRA) para sa mga lokal na pamahalaan at gagamitin itong pambayad sa mga utang. Sari-sari rin ang mga naging reaksyon sa balak na ito.
Hindi na dapat pang pagtakhan kung ang ating bansa ay nasasadlak sa malaking utang. Bakit? Kitang-kita naman na maluho ang ating mga pinuno. Naglulustay sila ng salapi. May mga mamahaling sasakyan ang mga senador, mga kongresista, mga miyembro ng Gabinete.
Sa mga pinuno ng bansa, kayo mismo ang nagpahayag na ang bansa ay nasa fiscal crisis. Dapat ay hindi na kayo pinipilit para magsagawa ng pagtitipid. Kayo ang manguna at maging halimbawa para maipatupad ang austerity program. Kayo ang magsimula. Kung gusto pa ninyong mapigil ang pagbulusok ng Pilipinas. Time is of essence.