Ang talinghaga ng 10 dalaga

KAHANDAAN at pagtitiyaga ang mga aral na ibinibigay sa atin ng talinghagang ito. Dapat palaging isinasabuhay ng mga Kristiyano ang kanilang pananampalataya, paggawa ng kabutihan sa kapwa, pagtulong sa mahihirap at pagiging misyonero sa tahanan man o sa ibang lugar. Higit sa lahat, kailangang handa rin tayo pagdating ni Jesus. Ganito ang ipinahayag ni Mateo (Mt. 25:1-13).

Dito maitutulad ang pagpasok sa kaharian ng Diyos: May 10 dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa’y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila’y hangal at ang lima’y matalino. Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. Subalit ang matatalino’y nagdala ng langis bukod pa sa nasa kanilang ilawan. Nabalam ng dating ang lalaking ikakasal, kaya’t inantok silang lahat at nakatulog.

Ngunit nang hatinggabi na’y may sumigaw: "Narito na ang lalaking ikakasal! Salubungin ninyo!" Agad bumangon ang 10 dalaga at inayos ang kanilang ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, "Bigyan naman ninyo kami ng kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan, e." "Baka hindi magkasya ito sa ating lahat," tugon ng matatalino. "Mabuti pa’y pumunta muna kayo sa nagtitinda at bumili ng para sa inyo." Kaya lumakad ang limang hangal na dalaga. Samantalang bumibili, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at isinara ang pinto.

"’Pagkatapos, dumating naman ang limang hangal na dalaga. "Panginoon, papasukin po ninyo kami!" sigaw nila. Ngunit tumugon siya, "Sinasabi ko sa inyo: Hindi ko kayo kilala." Kaya, magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras."


Bigyang-atensiyon natin ang 10 dalaga. Lima ay hangal. Lima rin ang matalino. Lahat sila ay naghahanda sa pagdating ng lalaking ikakasal. Pare-pareho silang nakatulog. Subalit ang kahandaan ang siyang pinag-kaiba. Ang mga matata-lino ay nagbaon nang pandagdag na langis. Ang mga hangal ay hindi nagbaon.

Ang aral ng talinghaga ay ito: Dapat nating gawin ang mga kabutihang hinihingi sa atin ng ating Kristiyanong pamumuhay. Huwag nating kalilimutan na ang misyon natin sa buhay ay hindi nagtatapos dito sa panlupang pamumuhay. Tayo ay naitalagang tumungo sa langit upang makapiling ang Ama, si Jesus at si Maria na ating Ina.

Show comments