EDITORYAL - Patunayan mo Gen. Aglipay

NAKATATAK na sa isipan ng taumbayan ang mga sinabi mo Gen. Edgar Aglipay at hindi na iyan malilimutan. Sabi niya, "Ang mga scalawags sa PNP ay hindi ko tatantanan!" Hindi sana ‘yan maging katulad ng mga sinabi ng hinalinhan mong si Gen. Hermogenes Ebdane Jr. na nauwi lamang sa wala. Ang mga pangako ay hindi lamang napako kundi nabalaho. Bagay na nagdulot naman sa Philippine National Police (PNP) nang grabe pang pagkasadlak sa kumunoy. Hindi sana maging katulad ni Ebdane na nangakong lulupigin ang kriminalidad sa loob ng isang taon. Nangakong bubuwagin ang mga corrupt na pulis at irereporma para hindi katakutan ng taumbayan.

Maraming pangyayaring gumimbal sa panahon ni Ebdane bilang PNP chief. Sunud-sunod ang pagtakas ng mga kilabot na bilanggo sa Camp Crame. May tumakas na big time drug lord na hanggang ngayon ay hindi pa nahuhuli. Nakatakas ang teroristang si Fathur Rohman Al-Ghozi at iba pa. May bilanggong nag-amok na nakapatay ng guwardiyang pulis. Natupok ang armory sa Crame na hanggang ngayo’y misteryo pa kung ano ang dahilan ng sunog. Sa halip na mabawasan ang mga "bugok" na pulis, lalo pang kumapal at humaba pa ang mga pangil at sungay sa paggawa ng katarantaduhan. May pulis na protector ng drug lord, may pulis na "tulak", nanghuhulidap, nangsa-salvage, at ang pinaka-karaniwan ang mga "Kuya K2ong" na pulis.

Sa panahon ni Ebdane, wala nang matakbuhan ang taumbayan sapagkat ang inaakala nilang protector at magsisilbi ay siya palang bantay-salakay. Sa halip na tulungan ay kokotongan. Ang ganitong gawain ng mga "bugok" na tauhan ng PNP ay hindi na balita. Karaniwan nang nangyayari. Hindi masisisi ang taumbayan na makakita lamang ng asul na uniporme sa kalsada, masama na ang kanilang naiisip. At kahit na may mga natitira pang mabubuti at tapat na pulis, nahuhusgahan na rin silang masama. Nadadawit na sila sa kasalanang ginawa ng kanilang kabaro.

Patunayan mo General Aglipay na kakaiba ka kaysa kay General Ebdane. Na mayroon kang isang salita. Na mayroon kang paninindigan. Naghihintay ang taumbayan ng isang matigas na pinuno ng organisasyong ito na susupil sa mga kawatan at tiwaling pulis. Gusto ng taumbayang makita ang mga pulis na disiplinado, laging nakabantay, kagalang-galang at handang tumulong hindi para kumotong.

Naniniwala kami na kayang burahin ni Aglipay ang mantsang nakakapit sa asul na uniporme ng mga pulis. Kapag nangyari iyan, isisigaw namin ito sa taumbayan.

Show comments