Ang report na ito ay naghatid naman ng pagka-relieved sa mga residente ng Metro Manila at karatig probinsiya. Malinis naman pala kaya walang problema. Kahit na marami na ang nagkakaroon ng respiratory problem, bahagya ngang nawala ang pagdududa dahil sa report ng EMB ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). At dahil din sa report, tila nawala ang takot na sa susunod ng 10 taon ay hindi na maaaring tirahan ng tao ang Metro Manila dahil sa papalubhang air pollution. Ito ay batay sa pag-aaral na isinagawa ng University of the Philippines.
Pero ang kapahingahan sa isiping iyon ay muling nabulabog makaraang bawiin ng EMB ang kanilang pahayag na malinis ang hangin sa Metro Manila. Hindi pala totoo. Inamin mismo ni EMB engineer Cesar Siador na hindi mabuti sa kalusugan ang kalidad ng hangin at maaaring magdulot ng respiratory illnesses. Ipinakita ni Siador na apat na cities lamang ang pumasa sa total suspended particulates (TSP) at ito ay ang Manila, Mandaluyong, Pasig at Pasay. Ang Makati, Quezon City at Valenzuela, ayon kay Siador ay bumagsak sa quality monitoring noong nakaraang July.
Marumi ang hangin sa Metro Manila ito ang suma-total. At nakapagtataka kung bakit kailangang paikutin o itago pa ang katotohanang grabe na ang air pollution. Hindi maitatago ang katotohanang nakasakmal na sa mga residente ang salaring unti-unting pumapatay sa kanila. Tahimik na sumasalakay hanggang sa wakasan ang pamumuhay hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa mga karatig lugar.
Walang ngipin ang Clean Air Act sapagkat naging dekorasyon lamang. Walang kakayahan na ang pamahalaan na ipatupad ang nakatadhana sa batas. Bawal ang incinerator, mga kakarag-karag na bus na nagbubuga ng maitim na usok at ang pagsusunog. Sa kabila na matagal nang naipasa ang batas, hanggang ngayoy hindi pa lubusang naipatutupad.
Ang DENR at ang DOTC ang dapat managot sa nangyayaring ito sapagkat sila ang may lubusang awtoridad sa pagpapatupad ng batas. Sila ang dapat humagupit sa mga lumalabag. Kung patuloy ang kanilang pagwawalang-bahala sa maitim na problemang ito, maaaring hindi na nga matirahan ng tao ang Metro Manila sa susunod na 10 taon.