Samantala, taong 1987, hinirang siya ng PNR Board sa posisyon ng isang Chief Engine Crew Dispatcher. Sa nasabing posisyon, kinakailangan ang mga sumusunod na kwalipikasyon: college degree, 10-taong karanasan bilang Asst. Crew Dispatcher, First Class Locomotive Driver at First Class Assistant Locomotive Driver.
Ang paghirang kay Dante ay nagbunga ng protesta mula kay Tino. Si Tino ang OIC ng nasabing posisyon, tapos ng kolehiyo at nakahawak na ng ilang posisyon sa ahensya mula nang siya ay pumasok sa serbisyo noong 1949. Ang kanyang kwalipikasyon ay isang Railway Officer. Kaya pumunta si Tino sa Civil Service Commission (CSC) upang ihain ang kanyang protesta laban sa paghirang kay Dante. Iginiit ni Tino na siya ay mas kwalipikado at siya rin ang humahawak ng nasabing posisyon, kaya dapat na siya ang piliin. Ang resulta, binawi ng CSC ang paghirang kay Dante ng PNR sa dahilang nagtataglay lamang ito ng minimum na kwalipikasyon sa nasabing posisyon at kung saan si Tino ang ipinalit nito.
Kinuwestiyon ni Dante ang CSC. Ayon sa kanya, mali ang ginawang pagbawi ng CSC sa kanyang posisyon dahil tanging ang PNR lamang ang may kapangyarihan na maghirang at bumawi nito. Tama ba si Dante?
MALI. Ang PNR ay may diskresyon na maghirang sa mga posisyon na sakop nito subalit kinakailangan na ang taong itatakda sa posisyon ay nagtataglay ng kwalipikasyon na hinihingi ng batas. Ayon sa Section 9(h) ng Civil Service Decree, ang CSC ay may kapangyarihan na alamin kung ang taong hinirang ay kwalipikado o civil service eligible. Kapag kwalipikado ang taong hinirang, aaprubahan ito subalit kapag hindi ay babawiin ito.
Sa kaso ni Dante, tama ang ginawang pagbawi ng CSC sa kanyang paghirang. Layunin ng batas na protektahan at palakasin ang ating Civil Service. Ito ang naging desisyon sa kaso ng Cortez vs. Civil Service Commission, 195 SCRA 216.