Lumalakas sa Southeast Asia ang Jemaah Islamiyah, sangay ng al-Qaeda terrorists. May mga kuta sila sa Thailand, na karamihay Buddhist. Kasabwat nila ang Abu Sayyaf at ilang MILF sa Pilipinas, na karamihan naman ay Kristiyano. May cells sila sa Muslim na Malaysia at Indonesia. Nakapagpasabog at pumatay ng maraming Australians sa Bali. At pati Singapore ay na-infiltrate. Pakay ng JI na magtayo ng isang pan-Islamic state na binubuo ng Southeast Asian countries.
Hinala ng Amerika at mga kaalyado nito, balak ng JI na isabotahe ang dagat ng Southeast Asia para lumpuhin ang kalakal, lalo na ang langis. Kung ang al-Qaeda ay manggugulo sa Middle East para maisara ang oil fields at padapain ang industrial world, ang JI naman ang bahala sa East Asia. Di malayong mangyari ito. Sa magkabilang dulo ng Malacca Strait, at sa Celebes at China Seas, naglipana ngayon ang mga pirata. Maaari silang kakutsabahin at armasan ng JI para magpasabog o nakawan ang tankers.
Suhestiyon ng US na mag-deploy ang Pacific Fleet ng armadong patrols sa mga dagat-Asya para tugisin ang mga pirata. Pang-iwas daw ito sa balak ng JI. Walang pinag-kaiba sa RP-US joint military exercises sa Basilan para sanayin ang AFP sa modernong gamit-pandigma laban sa Abu Sayyaf.
Pero ayaw ng Malaysia at Indonesia ng American naval patrols sa gilid nila. Kasi, kung ang Balikatan sa Basilan ay naging kontrobersiyal sa Pilipinas na karamihay Kristiyano, lalong papalag ang mamamayan nila na karamihay Muslim. Habang nagtatalu-talo sila, maaring biglang tumira ang JI. Yun kasi ang gusto ng terorista, yung hilo ang target.