Galit siya sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno, pulis at ganoon din sa mga payaso at komikero kaya ang mga sasakyang walang laban ang kanyang pinerhuwisyo. At ang nakatatawang pahayag ni Pamatong, hindi raw naman ang mga motorista ang kanyang target. Wala raw siyang intensiyon na sila ay saktan. Humingi siya ng paumanhin sa mga motoristang sumabog ang gulong. Gusto raw lang niya na ipaabot ang mensahe kung gaano na katalamak ang corruption sa gobyerno. Ang corruption daw ang dahilan kaya marami ang nagugutom, marami ang walang tahanan, maraming walang trabaho. Ang corruption din daw ang isa sa pinaka-worst na uri ng terorismo kung saan may 1,000 ang pinapatay araw-araw.
Matutulis na binaluktot na pako ang naisip na paraan ni Pamatong para maipahatid ang kanyang mensahe at nagtagumpay siyang butasin ang gulong ng mga sasakyan. Dahil sa kanyang ginawa marami ang napinsala. Ang mga naghahanap-buhay ay nabawasan ang kinikita. Hindi nakapasada ang mga pampasaherong dyipni at marami ang na-late sa trabaho. Malaking perhuwisyo sa kabuhayan ang ginawa ng "utak pako" na si Pamatong.
Pagkaraang aminin ang pagpapakalat ng pako, nagtago si Pamatong. Pero susuko naman daw siya ng maayos kapag nakorner siya ng mga pulis. Hindi raw siya lalaban.
Hanapin si Pamatong at pagbayarin sa kanyang ginawang "pako attack". Hindi siya nararapat makaligtas sa kaparusahan dahil sa ginawang paninira sa ari-arian ng iba. Isang abogado si Pamatong subalit siya ang bumali sa itinatadhana ng batas. Alam ba niya ang batas? Kung galit siya sa mga corrupt na opisyal ng gobyerno, ang mga ito ang nararapat niyang upakan. Ang mga corrupt ang dapat niyang taniman ng pako sa ulo at hindi ang mga sibilyang naghahanap-buhay. Kung galit siya sa mga payaso at komikero, ang mga ito ang nararapat niyang kastiguhin at hindi ang taumbayan.
Hanapin si Pamatong at ipako sa bilangguan.