Adolf Rizal (1)

MALAMANG, narinig n’yo na rin, di lang minsan, ang haka-haka na si Adolf Hitler ay anak sa labas ni Jose Rizal. Aba’y may bagong usbong na mas katawa-tawang teyorya na si Mao Tse-tung daw ay anak din niya sa labas. Dahil birth anniversary ng National Hero sa Sabado, sinaliksik ng isang national artist ang dalawang istorya. Heto ang natuklasan niya:

Batay sa history books, sinilang si Hitler nu’ng Abril 20, 1889–kaya inasembol siya bandang Agosto 1888–sa munting nayon ng Brannau, malapit sa border ng Germany at Austria. Pinanganak siyang Austrian, at nanatiling gan’un hanggang 1930s. Ang nanay niya ay si Klara Polzl, na na-maid minsan sa Vienna. Kinilala ni Hitler na hometown ang Linz, sa tabi ng Danube River. Ang kuya Gustav ni Hitler, sinilang nu’ng Mayo 17, 1885; ang ate Ida, nu’ng 1886; parehong namatay bago isilang si Hitler. Sa Bavaria, rehiyon sa Germany, nagsimula ang Nazism. Sinali ng Nazis ang Japan sa Axis powers; iginiit pa nila na ang mga Hapon ay lahing Aryan tulad ng mga Aleman, kaya bahagi rin ng "master race."

Batay din sa history books, bumiyahe si Rizal nu’ng Pebrero 1, 1886 mula Paris tungong Germany. Huminto siya sa Heidelberg, Wilhelmsfeld at Munich (Bavaria), lahat gawi German-Austrian border. Agosto 9, 1886, binaybay ni Rizal ang ilang siyudad at dumating sa Leipzig nu’ng Agosto 14. Oktubre, tumuloy siya sa Dresden, at sa Berlin kung saan niya tinapos ang nobelang Noli Me Tangere. Isa sa main characters ng Noli si Maria Clara. Nu’ng Mayo 11, 1887 mula Dresden, sinimulan ni Rizal ikutin ang Uropa: Prague at Teschen (ngayon Decin, sa Czech Republic), tapos sa Brunn (kung saan nawala ang kanyang diamanteng stickpin) at Vienna, Austria (kung saan nabalik ang alahas na napulot ng isang chambermaid sa hotel sa Brunn). Mayo 24, nag-riverboat si Rizal sa Danube, at napadpad sa Linz. Mula Linz, tumuloy siya sa Munich (kung saan nag-beerhall putsch sina Hitler nu’ng 1923), Nuremberg (pugad ng Nazi party kung saan din dinaos ang War Crimes Trial nu’ng 1945), atbp siyudad.

Teka, mahaba pa ang kuwento ko. Gupitin n’yo kaya itong kolum, para mai-connect sa installment bukas. Exciting, ano?

(Itutuloy bukas)

Show comments