^

PSN Opinyon

Happy birthday!

PANAGINIP LANG - Nixon Kua -
KAKAIBA talaga at ubod ng galing si Robert Dean Barbers ng Philippine Tourism Authority at pati birthday niya ay iniisip niya kung paano magpapakulo at pasikatin ang sarili.

Isipin n’yo na lang, komo birthday niya ay nagpakulo siya ng dalawang leg na golf tournament, ang una ay ginawa nuong nakaraang Miyerkules sa Forest Hill sa Antipolo at ang pangalawa at final leg ay sa Club Intramuros sa Maynila kahapon Biyernes. Ang Club Intramuros nga pala ay pinatatakbo ng PTA.

Sa dalawang leg na ito ay naningil siya ng P4,500 kada player at nag-solicit ng malaking pera galing sa mga "kaibigan at supporters ng PTA". Malaking halaga as in hundreds of thousands. Ilang pribadong kumpanya (kasama kaya ang mga nangongontrata sa PTA) at opisina ng gobyerno ang pinagtatawagan, lalo na yung mga natulungan ng kanyang amang si DATING Sen. Robert Barbers para mag bigay ng donation para sa naturang tournament.

Ang mga tauhan naman niya sa PTA, kasama na ang mga miyembro ng PTA golf club ang inatasan kung paano patatakbuhin ang nasabing tournament. Katakut-takot na meeting at siyempre ang magpartner na friends na double M (mga sipsip na opisyales) ang namuwersa sa iba’t ibang division ng nasabing ahensiya na magplano at magtrabaho.

Komo mga taga-gobyerno at birthday ng kanilang napakagaling na boss, sunod sila at tigil muna ang mga opisyal na trabaho sa kani-kanilang opisina. Asikasuhin muna ang birthday ng Prinsipe ng Surigao.

Iwanan muna lahat at walang pakialam kahit na inaatake tayo ngayon ng iba’t ibang bansa ng negatibong travel advisory at hirap na hirap at pagod na pagod na sa kasasangga si Tourism Secretary Obet Pagdanganan.

Importante ay maging successful ang selebrasyon ng birthday ng kanilang boss, pakialam ba nila kay Sec. Pagdanganan. Sino ba siya, kung si dating Tourism Sec. Richard Gordon nga na ngayon ay senador na nilabanan at sinuwag ng boss nila, si Sec. Obet pa kaya. He-he-he! Kayang-kaya nila ito. Wala na ngang cooperation sa proyekto ng DOT at feeling secretary ang boss nila.

Daming solicitation letters na pinadala at pati si NBI Director Reynaldo Wycoco ay pinadalhan pero tumanggi ang huli dahil sa austerity program ng kanyang ahensiya. Kaso nga lang, lagot ka ngayon, galit daw ang Prinsipe at sa galit ay sinabi sa mga alipores na ipatatanggal ka.

Lagot ka ngayon, bakit ka nga naman tumanggi. Malaki raw ang utang na loob mo sa kanya at pamilya niya, aba, hindi namin alam yan. Dapat alamin natin ano ba ang utang n’yo Ginoong NBI Director.

Maraming mga sponsors na pumayag dahil daw sa "gentle persuassion" at meron namang iba na pumayag dahil siyempre may kapalit. Tanong lang ano kaya, kontrata kaya sa PTA, Duty Free Philippines, Surigao o kung saan pang ahensiya ng gobyerno na may naipuwesto si Erpats.

Huwag kayo mag-alala, kinukuha natin ang mga pangalan ng mga taong ito o mga kompanya para naman sa susunod ay mag-sponsor din sila sa iba.

Kung tanggihan kayo, siguro wala kayong binatbat at wala kayong amang dating senador, kapatid na kongresista at gobernador. Sa madaling salita wala kayong binatbat o di kaya’y walang kontratang makukuha sa inyo. He-he-he! Sorry na lang, small time siguro kayo.

Ang Duty Free Philippines naman na under sa PTA ay tinokahan din na tumulong at hiningian ng P100,000. Siyempre payag ang Duty Free, takot lang nila, kaso nagalit si Senorito Dean, maliit, kaya ang sabi huwag ng kunin at tatanggalin na lang niya si DFP GM Mike Kho.

Hayan, Mike, nagalit tuloy sa iyo. Sa susunod pag ang lumapit sa iyo ay Prinsipe na at Senority pa, bigay mo lahat ng hinihingi. Tutal hindi mo naman daw pera ang ibibigay mo. Pera lang naman daw yan ng BAYAN. Kawawa naman talaga ang bayan.

Sa madaling salita ang mensahe ay simple, kung magbibigay din lang kayo ng maliit, huwag na dahil paano naman kikita ang naturang proyekto na para raw sa kabataan ng Makati. Alam kaya ni Mayor Jejomar Binay ito. Hindi siguro dahil humanda ka raw Mayor dahil sa 2007, lalabanan ka at nais lumukso bilang one term na konsehal at hindi na nanalong muli to Mayor of Makati. Pagiipunan niya raw lahat at kakayanin ang mga Binay. He-he-he!!! Suntok yan sa buwan at parang hinahanap mo ang Ibong Adarna Ginoong Prinsipe.

Sabagay ang mangarap ay hindi bawal at lalong hindi labag sa batas. Diyan man lang ay sumusunod ka sa batas.

Pero hindi diyan natapos ang kasipagan ng mga empleyado ng PTA, sila rin ang pinatao sa Forest Hill. Tandaan, mga taga-PTA, mga kawani ng gobyerno, mga pinasusuweldo ng bayan ang tumao sa tournament ni Ginoong Dean Barbers sa Forest Hill sa Antipolo at alam n’yo anong oras.

Siyempre maagang-maaga, golf yan kaya madaling araw pa, pero siyempre charge rin sa PTA. Ang galing talaga. Matipid pa dahil hindi na kailangan ng sariling tauhan, ano nga naman ang ginagawa ng mga kawani ng gobyerno nasa ilalim niya. Malay nga naman ng sambayanan na ang mga kawani ng gobyerno ay ginawang mga events organizers at staff workers sa birthday party ng isang opisyal.

Anyway, hindi diyan matatapos iyan. Tandaan n’yo two legs ang tournament, kaya ang second and final leg siyempre sa Club Intramuros na under sa opisina ni Prinsipe Señorito Dean.

Heto ang matindi, tournament niya at hindi ng PTA pero 50% lang ang bayad sa green fee. Gobyerno ang mawawalan ng kita at ang kikita ay ang tournament na hindi man lang sasailalim sa auditing dahil pribado nga. At siyempre. kayong mga taga-PTA ang magtatrabaho muli. Pera ng bayan nanggaling ang suweldo n’yo pero torneo para sa ikabibida ng boss n’yo at hindi ng opisina o ng bayan natin. Tsk-tsk-tsk. Grabe!!! Talagang Happy Birthday, literal para sa kanya, so saya naman, BEST na BEST. Galing ano? Bilib na ba kayo?

Anong panama ni Rep. Mikey Arroyo, anak ng Pangulo at miyembro pa ng kongreso na alam nating ni minsan ay hindi gumawa ng ganoon. Paano pa kaya kung si Prinsipe ay hindi lang Prinsipe ng Surigao kung hindi Prinsipe na ng buong bayan. Paano na tayo. Kaya marahil natalo ang Ama, marunong talaga ang Diyos.
* * *
Para sa anumang reaksyon, sumulat lang sa nixonkua @yahoo.com o kaya’y mag text sa 09272654341. Mapapakinggan n’yo rin po ang inyong lingkod sa DZEC 1062 mula 4:30 hanggang 6:00 ng hapon, Lunes hanggang Huwebes.

FOREST HILL

KAYA

LANG

NAMAN

NIYA

PRINSIPE

PTA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with