^

PSN Opinyon

EDITORYAL - May problema pa pala sa GSIS

-
HINDI pa pala tapos ang problema sa Government Service Insurance System (GSIS). Marami pa pala. Isa sa mga problema ngayon ay ang sinasabing magulong records ng contributions ng mga members. Marami ang hindi makapag-loan sapagkat hindi pa raw bayad.

Marami ang natuwa sa anunsiyo ng GSIS na madali nang makauutang ang miyembro. Kaagad nawala ang masamang iniisip na bankarote na ang GSIS. Nawala na rin sa isipan ang kontrobersiyal na pagbili ng GSIS sa mamahaling painting ni Juan Luna, dalawang taon na ang nakararaan.

Pero may bagong kontrobersiya na lumutang na marami pa rin ang hindi makapag-loan sapagkat may mga utang pa sila. Hindi pa umano sila qualified mag-loan sapagkat may outstanding balance pa. Kailangang mabayaran muna ang kanilang loan saka lamang makauutang uli. Pero ayon sa mga GSIS members na nais mag-loan, wala na silang utang. Malinis na ang kanilang record kaya sila nag-file ng loan. Ano ang sinasabi ng GSIS na mabilis nang mag-loan sa kanila?

Kabilang ang mga empleado ng Korte Suprema na dumanas ng katakut-takot na hirap sa paglo-loan sa GSIS. Marami sa kanila ang hindi makautang sapagkat may mga balanse pa umano. Ang nakaaawa ay ang mga miyembro na kaya nag-loan ay para may maipang-matrikula sa mga anak na mag-aaral ngayong pasukan. Isang ama ang nagsabing umuutang siya ng P50,000 sa GSIS para maipang-enrol sa kanyang mga anak. Nagimbal siya sapagkat mayroon pa siyang utang at kailangan daw na bayaran muna iyon.

Hindi lamang ang mga karaniwang empleado ang nagkaroon nang masamang karanasan sa GSIS kundi pati na rin mismo ang mahistrado ng Korte Suprema. Isa si Justice Reynato Puno na wala ni isa mang contributions niya ang nag-reflect sa record ng GSIS. Ang nakatuklas ay ang kanyang maybahay na si Luzviminda Puno, clerk of court. Maski si Supreme Court Chief Justice Hilario Davide Jr. ay kabilang din sa mga may depektibong record ng kanyang inihuhulog sa GSIS. Inaccurate umano ang records at mayroon pa raw utang na hindi pa nababayaran.

Ang kapalpakan namang ito ay inamin ni GSIS general manager Winston Garcia. Sinabing marami talagang problema sa GSIS at hindi lamang ang mga taga-Korte Suprema ang apektado ang mga records. Ganoon man sinabi niya na sa loob ng dalawang linggo ay maaayos na ang records ng mga empleado ng SC.

Problema pa rin ang GSIS. Hindi pa rin mabigyan ng tamang serbisyo ang mga members. Lalo ngayong panahon ng enrollment na nangangailangan ng pera ang mga miyembro para sa kanilang mga anak. Bigyan na sana ng kaluwagan ang GSIS members.

GOVERNMENT SERVICE INSURANCE SYSTEM

GSIS

ISA

JUAN LUNA

JUSTICE REYNATO PUNO

KORTE SUPREMA

LOAN

MARAMI

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with