Walang tigil ang mga pahayag ng kampo ni Fernando Poe, Jr. na ito ang tunay na nanalo base sa kanilang sariling pagbibilang. Dinaya raw ito ng administrasyon kung kayat nais nilang mapatunayan ang bagay na ito sa pamamagitan ng mahigpitang pagbubusisi sa mga ballot boxes at mga dokumentong nasa loob nito na katulad ng mga Certificate of Canvass COCs).
Papaano kung ang lumabas na panalo sa pagka-presidente sa ginawang pagbibilang ng National Board of Canvassers ay hindi si Fernando Poe, Jr. kundi si Gloria Macapagal-Arroyo? Tatanggapin kaya ng kampo ni FPJ ang resulta? Totohanin kaya nila ang bantang parati nilang isinisigaw na magtatanghal sila ng malawakang pag-aaklas kapag natalo si FPJ nang dahil sa pandaraya? Kaninong hatol naman kaya ang kanilang paniniwalaan na hindi dinaya si FPJ?
Ipagpalagay na natin na gawing totoo nina FPJ ang kanilang banta, hindi naman kaya ito gamitin bilang isang pagkakataon upang pumasok sa eksena ang mga terorista at mga ibat ibang grupo na ang hanap lamang ay ang maghasik ng kaguluhan sa ating bayan? Ano naman kaya ang magiging reaksyon ni GMA sa mga ganitong senaryo? Hindi kaya siya magdeklara ng martial law o magtanghal ng military rule o may hawig sa ganitong pamamahala?
Sana nga ay makialam na ang mga respetadong pinuno ng ibat ibang grupo upang makatulong na masupil ang anumang namumuong kaguluhan sa ating bansa. Magdasal din tayo na matanggap ng mahinahon ng mga naglalabang panig ang magiging resulta ng eleksyon.