Ngayon ngay panibago na namang kampanya na naman ang inilunsad ni Lina laban sa jueteng. Ang muling pagbuhay sa kampanya sa jueteng ay dahil sa bagong batas na nilagdaan ni President Arroyo noong unang linggo ng Mayo. Ang Republic Act 9287 ay kumukober sa lahat ng illegal na sugal na kinabibilangan ng jueteng, masiao at last-two-digit games. Ang gambling lords ay nahaharap sa kaparusahang 12 hanggang 16 na taong pagkabilanggo. Ang empleado ng gobyerno na mapatutunayang nag-ooperate ng illegal gambling ay nahaharap sa parusang 20 taon, multang P5 milyon at ang pagdiskuwalipika niya sa government service. Ang mga taong magpoprotekta sa illegal gambling operations ay maaaring mabilanggo ng 16 hanggang 20 taon samantalang ang mga mananaya at mga tauhan ng illegal gambling operation ay makukulong ng 30 hanggang 90 araw. Mapaparusahan din naman ang mga magulang o guardian ng bata na nagturo para masangkot siya sa sugal. Makukulong sila mula anim na buwan hanggang isang taon at pagbabayarin ng hanggang P400,000.
Mabigat ang kaparusahan. Hindi lamang gambing lords kundi pati ang mananaya. Bagamat may butas ang batas sapagkat bakit pati ang mananaya ay parurusahan, malaking takot na ang ihahatid nito sa mga big time gambling lords. Maaaring magdalawang isip na sila sa kanilang operasyon.
Iyan ay kung maipatutupad ang batas. Pero kung ito ay magiging katulad din ng mga nakaraang pagbabanta, magiging katawa-tawa na naman si Lina. Ang pagpapatupad ng batas ay nasa kanyang mga kamay. Nariyan na ang batas at ang hinihintay na lamang ay ang paggalaw ng mga awtoridad. Sa pagkakataong ito, hindi na nararapat pang makalusot ang mga bigtime gambling lords. Ipakita ni Lina na tapos na ang kanilang pamamayagpag. Nakakasusuka na ang jueteng kaya wakasan na ito.