^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Kampanya sa jueteng nasasuska na

-
ISANG magandang naging desisyon ni Interior Sec. Jose Lina Jr. ay ang hindi pagtakbo sa anumang posisyon nitong nakaraang May 10 elections. Kung tumakbo siya, halimbawa’y senador, maaaring sa "kangkungan" siya pinulot. Magiging batik kay Lina ang walang katapusang kampanya niya sa illegal gambling particular ang jueteng. Kapag nabanggit ang pangalan ni Lina, tiyak na maaalala ang jueteng na noon pa’y problema na ng bansa at naging dahilan pa nang pagkakabagsak ng administrasyon ni dating President Joseph Estrada noong 2001. Nakasusuka na ang jueteng at maaaring ganito rin ang akalain sa pangalan ni Lina. Nakakabit ang pangalan niya sa jueteng na hindi naman mabigyan ng solusyon sapagkat pawang pagbabanta lamang.

Ngayon nga’y panibago na namang kampanya na naman ang inilunsad ni Lina laban sa jueteng. Ang muling pagbuhay sa kampanya sa jueteng ay dahil sa bagong batas na nilagdaan ni President Arroyo noong unang linggo ng Mayo. Ang Republic Act 9287 ay kumukober sa lahat ng illegal na sugal na kinabibilangan ng jueteng, masiao at last-two-digit games. Ang gambling lords ay nahaharap sa kaparusahang 12 hanggang 16 na taong pagkabilanggo. Ang empleado ng gobyerno na mapatutunayang nag-ooperate ng illegal gambling ay nahaharap sa parusang 20 taon, multang P5 milyon at ang pagdiskuwalipika niya sa government service. Ang mga taong magpoprotekta sa illegal gambling operations ay maaaring mabilanggo ng 16 hanggang 20 taon samantalang ang mga mananaya at mga tauhan ng illegal gambling operation ay makukulong ng 30 hanggang 90 araw. Mapaparusahan din naman ang mga magulang o guardian ng bata na nagturo para masangkot siya sa sugal. Makukulong sila mula anim na buwan hanggang isang taon at pagbabayarin ng hanggang P400,000.

Mabigat ang kaparusahan. Hindi lamang gambing lords kundi pati ang mananaya. Bagamat may butas ang batas sapagkat bakit pati ang mananaya ay parurusahan, malaking takot na ang ihahatid nito sa mga big time gambling lords. Maaaring magdalawang isip na sila sa kanilang operasyon.

Iyan ay kung maipatutupad ang batas. Pero kung ito ay magiging katulad din ng mga nakaraang pagbabanta, magiging katawa-tawa na naman si Lina. Ang pagpapatupad ng batas ay nasa kanyang mga kamay. Nariyan na ang batas at ang hinihintay na lamang ay ang paggalaw ng mga awtoridad. Sa pagkakataong ito, hindi na nararapat pang makalusot ang mga bigtime gambling lords. Ipakita ni Lina na tapos na ang kanilang pamamayagpag. Nakakasusuka na ang jueteng kaya wakasan na ito.

ANG REPUBLIC ACT

BAGAMAT

GAMBLING

INTERIOR SEC

JOSE LINA JR.

JUETENG

LINA

PRESIDENT ARROYO

PRESIDENT JOSEPH ESTRADA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with