EDITORYAL - Pinay DHs sa Lebanon masyadong kinakawawa

PAYO sa mga Pilipinang gustong magtrabaho sa abroad, huwag sa Lebanon. O kung may aplikasyon na sa bansang ito para roon magtrabaho, tanungin muna ng 10 ulit kung tutuloy ba kayo? Huwag kalimutang tanungin ang sarili ng 10 ulit. Baka matulad kayo sa tatlong Pinay domestic helper na sunud-sunod na namatay sa nasabing bansa. Ang dahilan nang pagkamatay ng tatlong kaawa-awang DH ay ang pagkabali ng mga buto dahil nahulog sa bahay. Tumatakas ang tatlong DH sa kanilang among malupit sa kanila. At sa kabila nang malagim na kinasapitan ng tatlong DH wala namang magawa para sa kanila ang Philippine Embassy doon at pati na rin ang mga labor official doon. Habang tumatakas sa kalupitan ng kanilang amo, ang mga embassy at labor officials doon ay prenteng-prente sa kanilang malamig na opisina at dinadama ang sarap ng buhay. Grrr!

Mga Pinay, mag-isip kung sa Lebanon kayo pupunta. Bukod sa malulupit ang amo, walang silbi ang mga pinunong pinasusuweldo ng taumbayan doon. Ang ipinangsusuweldo sa kanila ay galing sa pinagpawisan ng mga "bagong bayani" at mga kawawang manggagawa na kinakawawa. Huwag sa Lebanon, mga Pinay sapagkat kawawa lang.

Sunud-sunod ang pagkamatay ng mga domestic helper na nakilalang sina Susan Montenegro, Catherine Bautista at isang hindi na inihayag ang pangalan sa pakiusap ng mga magulang nito. Si Montenegro ay namatay noong February 24, 2004 nang mahulog sa bintana ng bahay ng kanyang malupit na amo. Nagkabali-bali ang mga buto. Si Bautista ay namatay naman noong May 3 na nahulog din sa bahay ng kanyang malupit na amo makaraang magtangkang tumakas. Ang ikatlong biktima ay namatay naman nitong nakaraang May 16 lamang. Nahulog din at nabali ang mga buto dahil sa tangkang pagtakas sa abusadong amo.

Ayon sa report, ang Pinay DH na si Susan Bautista ay una nang humingi ng tulong sa Philippine Embassy at labor officials sa Beirut para makauwi na sa Pilipinas pero ang ipinayo umano sa kanya ng mga opisyales ay bumalik sa kanyang amo. Nang bumalik sa amo, doon na natapos ang kanyang buhay. Kawawang bayani!

Ang ganitong malalagim na pangyayari sa mga OFWs ay karaniwan na lamang. Maraming namamatay na mga OFWs at walang kaalam-alam ang mga Philippine Embassy officials at ganoon din ang Labor Attache. Mas mahalaga sa kanila ang perang sasahurin kaysa intindihin ang kalagayan ng mga manggagawa. Ang tungkulin nila sa mga kababayan ay hindi nila nagagampanan.

Panagutin ang mga embassy at labor officials sa Lebanon na nagkulang sa tatlong Pinay DH. Sibakin sila sa puwesto! Hindi sila karapat-dapat sa mga "bagong bayani".

Show comments