^

PSN Opinyon

"Ibalik n'yo ko sa Pilipinas"

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
NAGKABOMBAHAN SA ISANG AMERICAN CAMP SA IRAQ. ANG CAMP ANACONDA. APAT NA PILIPINO ANG DIUMANONG NAIULAT NA PATAY. SUBALIT BANDANG HULI, ISA LANG DAW. DAGDAG ITO SA ISANG PILIPINO NA NAPATAY KAMAKAILAN. NAKAKATAWA ANG PHILIPPINE GOVERNMENT. MAGHIHINTAY PA RAW SI PRESIDENTE GLORIA MACAPAGAL-ARROYO, NG CONFIRMATION KUNG ANO ANG ASSESSMENT NG PHILIPPINE TEAM SA IRAQ SA PAMUMUNO NI ROY CIMATU. NAPAILING AKO NG MADINIG KO ANG GANITONG PAHAYAG NA NANGGALING KAY SPOKESPERSON IGNACIO BUNYE. MGA PILIP[INO NA NANDUN ANG NAGPARATING NG KAHILINGAN, AANTAYIN PA ANG ASSESSMENT NI ROY CIMATU? KATARANTADUHAN!

Baka naman iniisip ni PGMA, ang bagong halal nating Presidente ( ayaw nila FPJ, Bro. Eddie, Raul Roco at Ping Lacson niyan) na baka magalit, sumimangot, nagsentimiento, sumama ang loob, (ano pa?) ni US President "Friendship" George Warner Bush, kapag pinull-out natin ang ating mga OFW dun sa IRAQ. Baka itigil ang support at aid ng America sa ating bayan. Subalit paano naman ang 3,000 documented Filipino workers na nagsisitrabaho ngayon dun? Ilan pang Pinoy ang nandun na hindi naman documented? Sila na mismo ang humihiling na ilikas sila mula sa Iraq.

Mabuti naman at nagdesisyon si PGMA, nitong week-end na ililikas ang mga Filipino workers dun. Subalit, bakit isang daan lamang?

Yun lang ba ang talagang bilang ng taong gustong umalis? Ayon sa mga balita na napapanood at nababasa natin mula sa mga local at international news programs, pagkatapos magbombahan sa Camp Anaconda, lahat ng Pinoy dun gusto nang umuwi. Handa ba ang ating Pamahalaan na ilikas ang ganito ka laking bilang ng mga workers na kailangan alisin na dun?

Baka yun ang dahilan kung bakit konti lamang muna ang maililikas mula sa "war torn country" na yan sa Gitnang Silangan.

Sino nga ba ang gustong magtrabaho sa isang lugar na anumang sandali, maaring mabomba ka at hati-hati ang katawan mong maibabalik sa Pinas.

Pwede ka na lang ilagay sa isang kahon ng sapatos at ipakiusap na i-hand carry ng isang Pilipino na pauwi na. Napakasaklap naman ng katapusan mo.

Kakailanganin pa ng iyong pamilya na bumili ng rugby upang ipagdikit-dikit ang iyong mga labi at paglamayan. (O, baka naman maraming Pilosopo ang seryosohin ito. I just simply want to drive home a point!)

Hindi na isyu ngayon kung dapat pa nga bang manatili doon ang ating mga kababayan. Sa ganang akin, force evacuation ang kailangan sa isang emergency situation na tulad nito. Dapat, ang pamahalaan ay makita ang moral obligation na alisin ang ating mga kababayan na nasa panganib ang buhay. Kung ang mga mismong Amerikano nga, di nila kayang sagutin ang kaligtasan ng kanilang military Camps. Bakit nating papayagan magtrabo dun ang mga kababayan natin?

Bakit tila kahit mapanganib magtrabaho dun, meron pa ring mga Pinoy ang gustong manatili dun? Dahil kapit na sa patalim ang mga Pilipino sa hirap ng buhay, Dahil wala namang nag-aantay na trabaho sa kanila kapag bumalik sila dito. Dahil titirik ang mga mata sa gutom ang kanilang pamilya kapag umuwi sila. BAHALA NA ANG DIYOS. Yan ang attitude ng karamihan sa ating Pilipino na nagtratrabaho sa Gitnang Silangan. Ang mamatay ng dahil sa iyo. Hindi para sa bayan kundi para sa kanilang pamilya muna. Bakit nga hindi? Mas uunahin ng ating mga kababayan ang kanilang pamilya higit sa bayan!

Oo naman. Bakit? Bakit ba? Dahil ang pakiramdam natin ay hindi naman tayo pinagmamalasakitan ng ating mga pinuno and we are left to address our own needs. Kung may malasakit ba nga sila, di sana walang Graft and Corruption. May konkretrong plano kung paano bibigyan ang milyon-milyong Pilipino na unemployed or under-employed.

Inutil ba ang ating pamahalaan na mabigyan ng sapat na hanapbuhay ang mga Pilipino? Bakit nga ba magtitiis ang mga kababayan natin na makipagsapalaran sa isang lugar na malayo at mahiwalay sa kanyang pamilya? Magbanat ng buto para mapagod ng husto para sa pag-uwi nila sa kanilang quarters, tulog agad. Wala ng panahon para ma-miss pa ang pamilya o maisip ang takot na bumabalot sa kanila dun.

Ang Iraq War ay away ng Amerikano. Hindi natin away ito. Hindi rin away ito ng mga "allied forces" kontra terrorismo. Dahil, unang-una, wala namang nakikita pang mga Weapons of Mass Destruction. Matagal na sila dun, hindi pa rin nila mahuli. Nahanap na nga nila si Saddam Hussein, hindi pa rin nila nahahanap ang gusto nilang makita.

Iraq is the New Millenium Vietnam. It is the worst nightmare of President Bush. Ito rin ang hihila sa kanya pababa upang matalo siya sa election sa November. Kung kayo ay may kamag-anak dun, maari ba, pakiusapan n’yo nang umuwi?!?

PARA SA ANUMANG COMMENTS O REACTIONS MAAARING MAG-TEXT SA 09179904918. MAAARI DING TUMAWAG SA 7788442.

ATING

BAKIT

DAHIL

DUN

GITNANG SILANGAN

ISANG

NAMAN

PILIPINO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with