Hindi maganda ang pagtanggap ng kampo ni FPJ sa resulta ng mga survey at nagpahayag pa nga ang mga ito na ang administrasyon ay gumagawa ng mga paraan upang mandaya. Sinabi ng mga ito na may mga natatanggap silang reports na galing sa ibat ibang lugar na talamak ang ginagawang pandaraya ng administrasyon.
Marami sa ating mga kababayan ang nangangamba sa mga pahayag at sa ipinapakitang reaksyon ng kampo ni FPJ. Kinukondisyon nila ang isipan ng ating mga mamamayan na may nagaganap na dayaan kahit na hindi pa man inuumpisahan ang bilangan. Sa ilang pagkakataon, pinagdidiinan pa nga nila na hindi nila tatanggapin at siguradong magkakagulo kapag natalo si FPJ. Tama ba ito? Di ba masyadong iresponsableng pahayag ito?
Mabuti pa nga si Sen. Ping Lacson. Pinakiusapan niya ang lahat ng mga matatalo sa katatapos na eleksyon na tigilan na muna ang pagpoprotesta at tanggapin ang kinalabasan ng halalan sapagkat hindi ito makabubuti sa ekonomiya at tagilid na kalagayan ng bayan. Sinabi ng senador na walang dapat sisihin kung sakali mang nadaya sila kundi sila mismo sapagkat hindi nila siniguradong protektahan ang mga boto nila.
Malamang ay mabuti pa ngang hintayin na muna natin ang kalalabasan ng eleksyon subalit dapat ay patuloy pa rin ang masusing pagbabantay sa nagaganap na bilangan at handang magsagawa ng legal na reklamo kapag may nasaksihang dayaan. Samantala, ipaubaya natin ang paglaganap ng normal na takbo ng proseso ng halalan. Congratulations sa mga nananalo at sa mga natalo, better luck next time.