Proyekto ng gobyerno,nakompromiso

SI Leo, isang District Engineer, ay naatasan sa mga proyektong imprastraktura ng gobyerno. Si Gina, presidente at stockholder ng isang construction company ay napagkalooban ng mga proyektong nagkakahalaga ng milyon dahil sa pagkabighani sa kanya ni Leo.

Naging masugid na manliligaw ni Gina si Leo. Minsan ay inimbitahan siya ni Leo na kumain sa isang five-star hotel. Nang maubos ni Gina ang kanyang inumin, bigla siyang nahilo. Dito nagkaroon ng pagkakataon na gahasain siya ni Leo.

Iniwasan niya si Leo subalit nagbanta ito na ang kumpanya nila ay mawawalan ng proyekto kapag nagpatuloy siya sa pag-iwas. Tuwing gabi naman ay nagpupunta si Leo sa tapat ng bahay ni Gina at doon ay nag-iingay sa pamamagitan ng pagbusina, pambabato sa bintana at pagsigaw ng malakas. Tumigil ang panggugulong ito sa loob ng walong taon hanggang na-ospital si Gina dahil sa sama ng loob.

Makalipas ang pitong buwan mula ng kanyang operasyon, nakiusap sa kanya ang kapatid ni Leo at isa pang kaibigan upang si Leo ay humingi ng tawad. Subalit taliwas sa inaasahan, muli siyang minolestiya ni Leo.

Nagsampa si Gina sa Opisina ng Ombudsman ng reklamong administratibo laban kay Leo sa ginawa nitong grave misconduct, disgraceful and immoral acts and oppression.

Itinanggi lahat ito ni Leo. Wala raw siyang relasyon kay Gina dahil siya ay masaya sa kanyang pamilya. Nagsampa raw lamang ng kaso si Gina dahil hindi nito pinaboran ang proyekto na nagkakahalaga ng ilang milyon. Mapapawalang-sala ba si Leo?

HINDI.
Ang mga ginawa ni Leo ay hindi alinsunod sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng gobyerno. Naging katawa-tawa ang kanyang posisyon sa gobyerno dahil na-ikompromiso niya ang kanyang integridad nang ipagkaloob niya ang mga proyekto kay Gina dala lamang ng kanyang paghanga rito. Taliwas ito sa maayos at moral na pagbibigay ng serbisyo sa publiko. Ang panggugulo niya sa bahay ni Gina tuwing gabi ay isang malinaw na pagpapahirap sa isang tao.

Si Leo bilang isang opisyal ng gobyerno ay inaasahang may pananagutan sa publiko sa lahat ng oras. Nadismis siya sa ginawa niyang grave misconduct, disgraceful and immoral acts and oppression. Ipinagkait din sa kanya ang mga benepisyo sa pagreretiro. (Fabian vs. Agustin 397 SCRA 401 G.R. #143092 February 14, 2003)

Show comments