Bagong pag-asa sa mga kaanak na naging biktima ng karahasan at trahedya. Mahigit dalawang buwan na ang nakararaan nang masunog ang SuperFerry 14 na may 100 katao ang namatay. Ang mga nakaligtas ay bahagya nang nakaka-rekober sa malupit na trahedyang iyon. Ang mga naulila ay walang tigil sa pagdarasal na magkaroon ng hustisya ang naging kamatayan ng kanilang mahal sa buhay. Patuloy pa rin silang naniniwala na magkakaroon ng liwanag ang lahat. Hanggang sa kasalukuyan, iniimbestigahan pa ang pangyayari. Nagkaroon umano ng pagsabog bago nagkaroon ng sunog ayon sa mga nakaligtas na pasahero. Sabi naman ng mga teroristang Abu Sayyaf, sila ang may kagagawan ng pagsabog. Pinabulaanan naman ito ng military.
Bagong pag-asa rin ang nasa puso ng mga kaanak ng mga biktima ng karahasang may kaugnayan sa nalalapit na eleksiyon. Parami nang parami ang bilang ng mga namamatay dahil sa poll related violence. Walang tigil ang pag-ambush sa mga kandidato. Ang pag-usbong ng mga private armies ay isang itinuturong dahilan ng karahasan.
Sa kabila ng mga karahasang dulot ng papalapit na election, namamayagpag din naman ang pagdami ng krimen sa Metro Manila at iba pang lugar. Sunud-sunod ang mga holdapan sa banko, sasakyan at maski mga naglalakad sa kalye ay hindi na ligtas. Isang patunay ay ang nangyaring panghoholdap sa isang armored van na nasa loob ng SM City noong nakaraang linggo. Hinoldap dakong alas kuwatro ng hapon at isang guwardiya ang napatay. Malagim naman ang nangyari sa isang babaing working student na hinoldap at pinatay habang naglalakad pauwi sa isang kalye sa Maynila. Ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral ay hindi natupad.
Ang walang tigil na pagtaas ng gasolina, liquified petroleum gas, pangunahing bilihin, dagdag sa pasahe ay dagdag-pahirap sa nagdudugong balikat ng mamamayan. Subalit sa kabila ng mga pasakit, karahasan at kahirapan, ang panibagong pag-asa ay hindi nawawala. Patuloy na umaasa gaya ng Muling Pagkabuhay ng Mananakop.