Kung masasabing sila-sila na lang ang nauupo sa Kamara hindi makapasok ang bata o middle class o baguhan ganun din sa Senado. Pambansa kasi ang paghalal sa senador, hindi tulad sa representante na pang-distrito. Kailangan ay dati nang sikat sa lipunan, at higit sa lahat ay mapera. Daan-milyong piso kasi ang gastusin para magkampanya sa 40 milyong botante.
At talagang mayayaman lang ang nagse-senador, ayon sa saliksik ng Philippine Center for Investigative Journalism. Nung 1998-2001, pito sa mga senador ay may malalaking lupain; nung 2001-04, apat pa ang nadagdag. Pito rin sa mga senador ang may malalaking negosyong agrikultura nung 1998-2001, at walo ngayong 2001-04. Labintatlo noon ang nasa malakihang real estate development; ngayon 18 na.
Napakalaki na ng budget ngayon ng Kongreso. Bukod sa suweldo, may P300,000 kada buwan pa bawat chairman ng komite. Bawat senador ay may taunang pork barrel na P200 milyon; bawat representante, P70 milyon. At may bonus pa na P50,000 hanggang P200,000 para sumipot lang sa mga botohan sa malalaking panukalang batas o isyu.
Pakonti nang pakonti ang naipapasang batas. Sa Kamara, puro lang panlokal, tulad ng pagpapalit ng pangalan ng isang barangay. Sa Senado, puro imbestigasyon na hindi naman natatapos bilang batas.
Nung 1946-49 sa kabuoang P15 milyong budget ng Kongreso, 428 batas ang pinasa; kumbaga, P35,000 kada batas. Nung 1998-2001 sa budget na P8.9 bilyon, 415 ang batas; P21.4 milyon bawat isa. Ngayong 2001-04, 76 na batas lang sa P11.2 bilyong budget; P148 milyon ang isa!