Hanggang ngayon, ang mga smugglers ng chicken meat na nanggaling sa US at nasabat sa Batangas port ay hindi pa rin malaman kung sino. Isa na namang kaso ng pagpupuslit sa bansa na mababaon na lamang sa limot.
Labingsiyam na container vans ang dumating sa Batangas noong January 24 pero natunugan ng Departrment of Agriculture kaya nagkaroon ng hold order. Pero nadismaya ang mga agents ng DA sapagkat nang puntahan nila kinabukasan ay nai-released na ang 19 na containers vans. Hinihinalang may "bird flu" ang mga karneng manok sapagkat idinaan pa ito sa Taiwan. Ang Taiwan ay isa sa mga bansang infected ng "bird flu". Ang iba pang bansa ay ang Thailand, China, Vietnam, Cambodia, Japan at Laos.
Sa pagkakabulilyaso sa puslit na mga manok, siguradong "gaganti" ang mga smugglers para mabawi ang nawala sa kanilang bilyong piso. Tiyak na nanggagalaiti ang mga "dupang" at gagawa ng paraan para makapagpasok muli. Pagagapangin muli ang kanilang pera para tapalan ang bibig ng mga corrupt sa Customs.
Ang isang dapat bantayan ngayon ng mga awtoridad, particular ang Department of Agriculture at Bureau of Animal Industry ay ang "southern backdoor" katulad ng Palawan, Mindoro at iba pang isla sa Mindanao. Mula sa Indonesia at Malaysia ay ipupuslit ang mga kargamento patungo sa mga nasabing lugar sa Pilipinas. Kukutsabahin ng mga smugglers ang mga coastguard, pulis, mayor at governor. Tatapalan ng pera at ayos na ang butu-buto. Ganyan ang ginagawang pagpupuslit sa talaksan ng mga shabu mula China. Sa dakong Quezon ibinabagsak at saka lilikumin ng kontak. At hindi bat ang Mayor ng isang bayan sa Quezon si Ronnie Mitra ay isa sa mga taga-deliver ng shabu gamit pa ang ambulansiya.
Bantayan ang mga smugglers! Mas magiging malala pa ngayon sapagkat ang mga pinuno ng bayan ay abala sa kanilang kandidatura. Hindi na nila nahaharap ang mga problemang nagpapahirap sa taumbayan.