Hindi pa rin nawalan ng pag-asa ang mga nais na magpatalsik kay FPJ. Nagharap silang muli ng kaso sa Comelec na dapat ay huwag nang payagang kumandidato si FPJ sapagkat may mga bago silang ebidensiyang magpapatibay na hindi ito qualified tumakbo bilang pangulo. Idinidiin ng mga ito na peke lamang ang mga hinahawakang dokumento ni FPJ. Subalit, pareho rin sa desisyon ng First Division ang naging hatol ng Commission en banc. Hindi rin sila pinayagang ilaglag si FPJ.
Dahil dito, may haka-haka ang ilang sektor na ang ginawa ng Comelec ay isang paraan ng paghuhugas ng kamay. Ayaw nilang sila ang sisihin kung sakali mang magkagulo at mag-aklas ang mga taga-suporta ni FPJ. Anyway, alam ng mga commissioners ng Comele na puwede namang ipasa na lamang sa Korte Suprema ang kaso.
Ganito na nga ang magiging hakbang ng magkapatid na Fornier at ng iba pang nais na magpatalsik kay FPJ. Babaling sila sa Supreme Court upang dito nila ihain ang naturang disqualification case. Mapapatunayan ba ng SC na sila ang tunay na Court of Last Resort?
Hindi maganda ang ipinamalas ng Comelec sapagkat para bagang nadala sila sa pananakot ng kampo ni FPJ. Bakit, may basehan ba upang manakot ng kaguluhan ang panig ng action king? Kung legal naman ang lahat, hindi ba sila susunod? Sa isang demokrasya, Konstitusyon ang pinagbabatayan. Batas ang dapat na manaig at hindi mga butas nito. Higit pa rin sa marami sa ating mga mamamayan ang naniniwala sa pananaig ng katarungan dito sa ating bansa.