Ayon kay Lola Goreng, hindi mabilang ang mga Hapon na nagpasasa sa kanyang katawan. katorse anyos siya nang dukutin ng isang sundalong Hapon at dinala sa kampo at ginahasa. Gabi-gabi ay nagbibigay-aliw sila ng mga kasamahan niyang comfort women sa mga ospital at sundalong Hapon.
Lumuluha si Lola Mary nang mabalitang bigo ang hinaing nila sa Japanese government. Ayon sa matanda, dapat ay may tanggapin silang benepisyo dahil sa naging karanasan nila noong digmaan.
Iyak din ng iyak si Lola Inggay sa pagkakabasura ng kanilang reklamo. Sinabi niya na noong unang maupo bilang presidente si Gloria Macapagal-Arroyo ay nangako itong tutulungan ang mga Pilipinang naging comfort women. Sinabi niya na pinabayaan sila ng presidente at hindi naging masigasig sa kanilang dinulog sa gobyerno ng Hapon.
Marami pa ang dumanas ng pagmamalupit sa mga Hapones pero ang katarungan ay mailap at mamamatay silang hindi ito nalalasap.