Panloloko ng isang abogado

Isang senior law student si Vic nang makilala niya si Alma, maganda subalit hindi nakatuntong ng 2nd year high school. Isang taon niyang niligawan si Alma bago ito napasagot. Makalipas pa ang apat na buwan ay nagsadya ang dalawa upang mag-aplay ng lisensya ng kasal. Sa opisina ng Civil Registrar, ay positibo silang nagpahayag ng intensyong magpakasal at pagkatapos ay sumailalim sa blood test. Nang matapos ang pagsusuri, sinabi ni Vic kay Alma na kasal na sila kaya maaari na itong sumama sa kanya sa bahay ng kanyang tiyuhin sa ibang siyudad. Pumayag si Alma subalit sa hotel siya dinala ni Vic. Sa paniniwalang kasal na sila, ibinigay niya kay Vic ang kanyang pagkababae. Makaraan ang tatlong buwan, ipinakita ni Vic ang resulta ng kanilang blood test kung saan nakatala sa detalyeng "occupation" ang sulat kamay na "bride". Basehan ang resulta ay pumayag si Alma na makipagtalik kay Vic sa loob ng tatlong buwan. Samantala, dumating ang panahong tinanong ni Alma si Vic kung bakit hindi sila nagsasama bilang mag-asawa. Ayon kay Vic, kailangan muna siyang pumasa sa bar exams.

Nang makapasa si Vic, inihandog pa nito ang kanyang diploma kay Alma tanda ng kanyang pagmamahal dito. Nagkasundo na rin ang kanilang mga magulang sa planong nilang pagpapakasal sa simbahan. At nang makumpleto na nila ang lisensya, mga dokumento sa simbahan at petsa ng kasal, nakatanggap si Alma ng sulat mula kay Vic kung saan binabawi na nito ang kanilang napagkasunduan. Tatlong buwan pa ay nanganak na si Alma subalit sa ibang babae nagpakasal si Vic.

Nagsampa si Alma ng kasong disbarment laban kay Vic dahil sa imoralidad nito. Depensa naman ni Vic na hindi niya niloko si Alma bagkus boluntaryo raw ang lahat na ginawa ni Alma. May kaso ba laban kay Vic?

MERON.
Nilinlang ni Vic si Alma kaya ibinigay nito ang kanyang pagkababae. Ang edukasyon ni Alma ay hindi sapat upang maintindihan niya kung ano ang legal at balidong kasal. Samantala ang isang nakapag-aral ng abogasya at naging abogado tulad ni Vic ay ipinapalagay na gagamitin niya ang napag-aralan sa legal at mabuting pamamaraan. Subalit taliwas sa moralidad at batayan ng isang pagiging abogado ang ginawa ni Vic, nilinlang niya si Alma at pagkatapos ay iniwan at nagpakasal sa ibang babae. Kaya, si Vic ay binawian ng lisensya bilang abogado at inalis ang kanyang pangalan sa roll of attorneys tulad sa kaso ng Cabrera vs. Agustin, 106 Phil 256.

Show comments