Ang binyag ni Jesus

SI Jesus ay hindi na nangangailangan ng binyag. Siya ay ganap na banal. Siya ay bininyagan upang pabanalin ang tubig ng Ilog Jordan at upang maipahayag na siya ang Anak ng Diyos na kalugud-lugod sa Ama.

Basahin ang Lukas 3:15-16, 21-22 na isinasalarawan ang paligsahan tungkol sa kung sino ang dapat mabinyagan –si Juan o si Jesus?

Naghahari sa mga tao ang pananabik sa pagdating ng Mesiyas at ang akala ng marami’y si Juan ang kanilang hinihintay. Kaya sinabi ni Juan, "Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya’y makapangyarihan kaysa akin, at ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang panyapak."

Nabautismuhan na noon ang lahat ng tao, gayon din si Jesus. Nang siya’y nananalangin, nabuksan ang langit at bumaba sa kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati. At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, "Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan."


Ang pagkabinyag kay Jesus ay tumutukoy sa sarili nating binyag. Ang pagkabautismo sa kanya ay naglalagay sa kanya sa daan tungo sa katuparan ng kanyang misyon – ang kanyang pagpapakasakit at pagkabuhay na muli.

Ang atin namang binyag ay naglulunsad sa atin sa ating misyon. Tayo’y isinugo, lalo’t higit bilang mga laiko, na papaghariin ang Diyos sa ating pamilya, sa ating trabaho o gawain, sa ating paglilibang. Anong laking kaibahan ang ating mundo kung ating mauunawaan kung ano ang tunay na ibig sabihin ng ating pagkabinyag.

Show comments