Milagro ang kailangan

HABANG sinusubaybayan ko ang mga kilos ng mga kandidato sa pagka-presidente at vice president ay nawalan ako ng ganang kumain noong Pasko at Bagong Taon.

Nakadidismayang mapanood sa TV at makita sa mga pahayagan ang mga kandidato. Walang ipinagbago ang mga pagkilos at pananalita. Pati paggamit ng mga daliri at kamay bilang simbolo ng kanilang kampanya na katulad ng pinasikat ni FVR. Maging sina FPJ at Bro. Eddie ay pulitiko na rin ang dating.

Halos pare-pareho ang kanilang mga plataporma at estilo de kampanya. Nakapulupot at napapaligiran pa rin ito ng mga laos at oportunistang mga pulitiko na nais na namang makabalik sa kapangyarihan. Ang medyo naiiba lamang sa presidentiables ay si Bro. Eddie sapagkat ang mga salita ng Diyos ang ginagamit nitong basehan ng kanyang kampanya. Subalit umaani na rin ito ng mga batikos sa paggamit niya ng relihiyon sa pulitika.

Lumalabas na lahat ng mga tatakbo sa pagka-presidente sa 2004 ay masasabing may iba’t ibang mga akusasyon na nagsasaad lamang na may mga question mark pa rin kung sino man ang mananalo sa kanila. Alam na ninyo ang mga ito. So, papaano na. Di pareho na naman ang mangyayari sa ating bayan na katulad din ng mga nakaraang taon, ganuon ba? Ipagdasal na lang natin ang milagro.

Show comments