Mag-ingat sa mga hunyangong pulitiko

SA mundong ito ay walang bagay na nananatili o magtatagal. Nothing is permanent except changes. Maging ang buhay ay may hangganan. What is here today will be gone tomorrow. Natala sa kasaysayan na maraming hari ang bumaba sa trono, mga palalo, mapang-api at gahamang lider na napatalsik sa tungkulin gaya ng naganap na people power sa EDSA na nagpabantog sa Pilipinas sa buong daigdig.

Sa panahong ito ay nabubuhay tayo sa kahirapan at parang walang direksiyon at walang kalutasan ang mga problema. Maging ang mga hagupit ng kalikasan (natural calamities) ay madalas na waring nagbabadya na anumang oras ay magugunaw ang mundo. Matatandaan na hindi pa natatagalan ay libo-libong naninirahan sa Cavite ang umakyat sa bundok para doon hintayin ang dilubyo. Iniwan nila ang kanilang mga tahanan, ibinenta ang mga lupa sa iba pang ari-arian sa pangamba na sa paghuhukom ay hindi nila madadala ang mga material na bagay. Napaniwala sila ng mga sinungaling na pinuno na katulad sa mga propetang sinungaling noong mga nagdaang siglo. Hindi mailarawan ang kanilang galit at pagkasiphayo at walang katapusan ang kanilang pagsisisi sa bulag na paniniwala.

Gaya ng mga sinungaling na propeta, nagkalat na naman ang mga mapagpanggap na pulitiko. Taon ngayon ng eleksyon kaya naglipana ang mga hunyangong kandidato na nangangako ng maraming bagay para manalo. Sa mga platapormang inilahad ng mga kandidato kabilang ang mga nuisance candidates halos iisa ang mensahe na sugpuin ang korapsyon sa gobyerno, pakikibaka sa kriminalidad at pagkakaloob ng hanapbuhay sa mga walang trabaho at pagpapaunlad sa kabuhayan ng mahihirap. Walang pinagkalayo ang pulitiko sa binata na pati ang tala at bituin sa langit ay susungkitin para sa sinisintang paraluman. Iba’t ibang gimmick ang panliligaw nila para makakuha ng boto kaya dapat na maging matatag at matalino ang mga botante. Huwag silang agad na maniniwala sa mga manlolokong politiko. Huwag nilang ibenta ang boto. Huwag ihalal ang kandidato dahil siya’y sikat at popular. Dapat na gawing batayan ang performance at ang pagkakaroon ng leadership at governance ng iboboto.

Show comments