Huwag gumamit ng cotton buds sa taynga

SA mga ulat pangkalusugan ay kadalasang tinatalakay sa BANTAY KAPWA ang tungkol sa sakit sa puso, allergy, diabetes at iba pang sakit. Ngayon ay talakayin natin ang ilang mahahalagang bahagi ng katawan na hindi gaanong nabibigyan ng pansin at sa pagkakataong ito ay ibabahagi ang mga kaalaman at pananaw ni Dr. Gil Vicente, sakit na EENT, Head and Neck Surgeon ng Saint Lukes’ Hospital na nagpakadalubhasa pa sa Europa at Amerika.

Ayon kay Dr. Vicente, bata pa lang ay dapat nang pangalagaan ang mga mata. Dapat na bigyan ng sapat na pahinga ang mga mata. Mapapansin na sa ngayon bata pa lang ay malabo na ang paningin at nagsasalamin na dahil sa sobrang panonood ng telebisyon at pagko-computer. Dapat ding maingat ang mga magulang sa anumang bukol sa katawan ng anak. Malimit na nagsisimula sa maliliit na bukol ang kanser sa ilong at lalamunan. Sobrang polusyon at paninigarilyo ang sanhi kung bakit may mga nagkakanser sa ilong at lalamunan gayundin ang hindi na gumaling-galing na sipon na nauuwi sa komplikasyon gaya ng brain absess na nangyayari kapag ang plema ay may halong dugo kaya dapat ang ibayong pag-iingat. Ayon kay Dr. Vicente ang luga ay galing din sa sipon at nauuwi ito sa mengitis at pagkabingi.

Payo rin ni Dr. Vicente na maging maingat sa paglilinis ng taynga. Hindi niya nirerekomenda ang paggamit ng cotton buds at ibang instrumento sa pagtatanggal ng tutuli. Dinugtong niya na importante ang lubrication o langis sa taynga dahil hinahadlangan nito ang anumang dumi na papasok sa butas ng taynga. Payo niya na gumamit ng malinis na tela sa paglilinis ng tenga at marahan lang ang pagdampi at dahan-dahan ipasok sa butas. Kapag itodong pasok ay masakit at maiirita at dito magsisimula ang infection.

Show comments