^

PSN Opinyon

President

PANAGINIP LANG - Nixon Kua -
SA dami ng gustong tumakbong Pangulo ng Republika ng Pilipinas naisip ko na baka puwede rin tayo, kaso nga lang inisip kong maigi na dapat bago natin gawin ang ating final decision ay iprisinta ko muna sa publiko ang aking Plataporma de Gobyerno.

Sa unang araw ng aking pagka-Pangulo ay bibigyan ko agad ng suliranin ang ating ekonomiya.  Agad akong pipirma ng isang executive order na inuutusan ang Bangko Sentral ng Pilipinas na tigilan na ang pag-iimprenta ng ating piso.  Aatasan ko sila na ang imprentahin na nila ay dolyar.

Sa mga natitirang mga pesos sa labas, mag-iisyu ako ng panibagong utos na ang magiging halaga ng mga natitirang piso ay katumbas ng US dollar.  Sa madaling salita, ang one peso ay one dollar.

Sa paraang ito, uunlad na ang ating ekonomiya at magiging katulad na natin ang Estados Unidos.  Hindi na rin natin kailangan magsiksikan na pumila para makakuha ng US visa.  Pag pupunta tayo roon ang pakay na lang ay mag-turista, wala na ring dollar drain kasi gumagawa na rin tayo.  Nasolusyunan na ang economic crisis natin.

Ang finance secretary ko nga ho pala ay si Pareng Jeremy na siyang nakaisip ng ideyang ito.

Sa problema naman ng pagtataas ng koryente, maganda ang panukala ng isang gustong tumakbong Pangulo na medyo nakalimutan ko lang ang pangalan.  Gusto ko nga sana alukin siyang mag-bise President sa akin.

Iuutos natin sa Meralco at ang mga electric cooperatives sa buong bayan na baguhin lahat ng mga outlet.  Sa ngayon ay 220 volts ang gamit natin, sa unang anim na buwan ay kailangan baguhin lahat at gawing 110 volts. Kalahati agad ang boltahe kaya kalahati ang konsumo di kalahati rin ang tipid.

Sa nagpanukala nito, hindi ko lang maalala ang pangalan niya pero bukod sa bise presidente ko ay energy secretary ko pa siya.

Sa kaso ng kurakot at kotong, dinedeklara ko na tatanggapin ko ang lahat ng suhol na ibibigay sa akin pag naging Pangulo na ako.  Kaso hindi gaya ng iba, 20 percent lang ang itatabi ko para sa sarili at ang matitira ay isosoli ko sa sambayanan.

Siyempre nga lang, lamang ang mga probinsiya, siyudad o distrito na nanalo ako nuong nakaraang eleksiyon.  Mas malaki ang magiging parte nila.

Sa ganuong paraan, lalong uunlad ang mga taga-roon sa lugar na binoto ako at matitiyak natin na wala ng tututol kung papanukala kong baguhin ang Constitution at maaari nang mare-elect ang Pangulo.

Komo hinahati ang lagay sa aking administrasyon sa sambayanan at malaki ang parte ng mga lugar na nanalo ako, palaki nang palaki ang lamang ko.  Sa susunod, kahit na lifetime President na ako.  President Emeritus ba.  Sarap pakinggan.

Ang ideya hong ito ay nanggaling naman sa bayaw kong si Charles kaya ipapalit ko siya sa Presidential Anti-Graft Commission at isasa-ilalim na rin natin diyan ang Ombudsman, Sandiganbayan at iba pang ahensiyang laban kuno sa pangungurakot.

Baguhin din natin ang pangalan ng President Anti-Graft Commission. Wala na ho yung anti dahil payag na basta partehan lang lahat. Gawin nating Department of Loot, Corruption and Fair Distribution. Sa ilalim na rin natin ang Department of Social Welfare dito para lagi silang sagana sa pondo.

Sa larangan  naman ng krimen ay may solusyon din tayo pero kailangan ko ang tulong ng mga senado at kongreso.

Magpapadala ako ng priority bill ng aking administrasyon kung saan ipagbabawal na ang maging mahirap at magutom.

Ipapaliwanag ng aking legislative liaison officer na ang paraang ito ay pipigil sa krimen dahil karamihan sa mga gumagawa ng krimen ay napipilitan lang bunsod ng kahirapan.

Kung bawal na ang maging mahirap at bawal na ang magutom di wala nang mahirap.  Kung wala ng mahirap di wala ng magnanakaw.  Di ba solve ito.   Makakatipid pa tayo dahil hindi na ako magtatalaga ng DILG Secretary, wala nang krimen.

Sa mga matatapang naman kaya may pailan ilan pang violence sa kalye, payagan na natin silang magdala ng baril dahil sa umpisa lang yan, mag-uubusan sila dahil ang matira sa kanila pagkatapos ng anim na buwan ay gagawin kong Officer-in-Charge ng aking elite commando unit na ang suweldo ay kasing laki 5% ng kita ng PAGCOR pero padadala ko sa Spratlys upang labanan ang mga sundalong Chinese, Vietnamese, Taiwanese at iba pang mananakop.

Tatayuan pa natin sila roon ng mansyon at firing range at hunting ground kung saan ang mga target ay mga drug lord na papakainin muna natin ng mga gawa nilang Shabu bago iwanan.

Gagaling pa tayo sa International Competition at makukuha natin ang Olympic Gold, shooting pa at ang magiging hepe naman ng ating Sports Program ay kaibigan ko at Asean Gold Medalist at pinaka-batang athleta sa Asean na si Pareng Jimmy R.

Ang PNP chief at karamihan sa kapulisan lilipat na natin sa BIR.  Bakit kanyo? Kokonti na trabaho nila dahil halos wala nang krimen, gagawin na lang nila ay maging kolektor ng jueteng.  Deklaradong kokolekta na tayo at gaya ng solusyon sa mga kurakot, hati rin sa lahat. Pero sa jueteng, 10 porsiyento lang ang sa akin, ang 10% sa PNP chief at mga pulis na sumama sa kaniya at siyempre ang 80% na natitira isosoli sa sambayanan.  Lamang nga lang kung saan nanalo tayo.

Marami pa ho sana akong idadagdag sa aking Plataporma de Gobyerno pero masakit na ang ulo ko,  medyo napainom ang inyong lingkod kahit hindi marunong uminom kaya nagdedeliryo na yata.

Sa inyo mga kaibigan, padala kayo ng mga payo niyo para maihabol ko sa aking Plataporma de Gobyerno.  Pag BOTEhan lang ho at bibigyan ko kayo ng kaukulang posisyon sa aking (PANAGINIP at Pangarap) administrasyon.

Apurahin ang suhestiyon at advice ninyo dahil baka mapuno ang aking (dream) team.  Text lang sa 09272654341.
* * *
HAPPY HOLIDAYS SA INYONG LAHAT AT IPANALANGIN NATIN ANG MAS MASAYANG BUHAY SA LAHAT AT KAUNLARAN AT KATIWASAYAN NG BANSANG PILIPINAS.
* * *
Para sa anumang reaksyon, mag-e-mail lang sa M[email protected] o kaya’y mag-text sa 09272654341. Mapapakinggan  n’yo rin ang inyong lingkod sa DZEC 1062 mula 4:30 hanggang 6:00 ng hapon tuwing Lunes at Miyerkules.

AKING

AKO

GOBYERNO

LANG

NATIN

PANGULO

PLATAPORMA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with