Pero dahil sa pakiusap ng operators ng mga bangkang pangisda o pamasahero at mga may-ari ng power plants kay Energy Sec. Vincent Perez pansamantalang hindi masusunod ang nakatadhana sa batas.
Bago naipasa ang Clean Air Act noong 1999, katakut-takot na balitaktakan ang nangyari. Kung ilang beses naatrasado dahil sa pagpigil ng mga maimpluwensiyang tao na masasagasaan ng nasabing batas. Ang tatlong higanteng oil companies ay hindi malaman ang gagawin sapagkat higit sa lahat sila ang apektado. Nagbabala na magtataas ng presyo ng kanilang produkto kapag naipasa ang batas. Sa ilalim ng batas, ipagbabawal na ang pagbebenta ng mga leaded gasoline. Ang mga leaded gasoline ang tinuturong dahilan kung kaya grabe ang pagkapollute ng kapaligiran.
Nilagdaan ang batas ni dating President Joseph Estrada. Marami ang natuwa sapagkat sa wakas ay magkakaroon din ng pagkakataon na makalanghap ng sariwang hangin ang mga taga-Metro Manila. Matatapos na rin ang paghihirap.
Pero sa nangyayari ngayon, hindi pa rin pala. Limang taon pa pala ang hihintayin bago ganap na maipatupad ang Clean Air Act. Sa loob ng limang taon, tiyak na marami pa ang magkakasakit. Magkakaroon ng sakit sa baga, asthma, at maapektuhan din ang utak lalo na ang mga ipinagbuntis na sanggol.
Kung maghihintay pa ng limang taon, dapat namang ngayon pa lamang ay magkaroon ng tigas ng ngipin ang Department of Transportation and Communication (DOTC) at Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga kakarag-karag na bus na nagbubuga ng lason. Walisin sila sa kalye.