Pagpapagaling sa dalawang bulag

ANG biyaya ng paningin ay napakahalaga. Ang pagkawala ng paningin ay napakalaking pinsala sa isang tao. Ang taong nawalan ng paningin ay nawawalan ng ugnayan sa realidad. Hindi na niya makita ang kagandahan ng mga bulaklak, ng mga mukha at ng kanyang kapaligiran. Hindi nakikita ng isang bulag ang ngiti sa isang mukha; datapwat maaari pa rin niyang mahawakan o mahipo ang naturang mukha.

Sa ating Ebanghelyo sa araw na ito, dalawang bulag na lalaki ang humiling kay Jesus na makakita muli. Isinalaysay sa atin ni Mateo ang pangyayari (Mt. 9: 27-31).

Pag-alis ni Jesus sa lugar na iyon, sinundan-sundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sumisigaw sila na ang wika, "Anak ni David, mahabag kayo sa amin!" Pagpasok ni Jesus sa bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag. Tinanong sila ni Jesus, "Naniniwala ba kayo na magagawa ko ito?" "Opo,

Panginoon," sagot nila. At hinipo niya ang kanilang mga mata, at sinabi, "Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong paniniwala." At nakakita na sila.


Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Jesus na huwag sasabihin ito kaninuman.

Ngunit nang sila’y makaalis, ibinalita nila sa buong lupain ang ginawa sa kanila ni Jesus.

Ang dalawang lalaking bulag ang gumawa ng unang hakbang para maibalik muli ni Jesus ang kanilang paningin. Nakakita silang muli. Hindi nila alam kung paano nila ipahahayag ang kanilang kagalakan. Bagamat pinagsabihan sila ni Jesus na huwag sasabihin kaninuman kung sino ang nagpagaling sa kanila, pinagsasabi pa rin nila sa lahat.

Napasalamatan n’yo na ba ang Diyos sa inyong paningin? Gawin iyon, pasalamatan Siya. At alagaan ang inyong mga mata.

Show comments