CMP para sa urban poor

Dear Sec. Mike Defensor,

Pinamumunuan ko ang isang Homeowners Association dito sa Laguna. May 60 pamilya kaming nakatira sa isang pribadong lupain at mabuti na lamang at maayos ang aming relasyon sa may-ari ng lupa kung kaya kami ay mapayapang tumira dito sa loob ng limang taon.

Ngayon ay gusto ng ibenta ng may-ari ang lupang aming tinitirhan sapagkat mag-aabroad na siya. Minsan ay nabasa ko ang tungkol sa Community Mortgage Program (CMP) sa inyong kolum. Sana ay ipaliwanag n’yong muli ang tungkol sa programang ito.

–Mr. Mike Tolentino


Ang Community Mortgage Program po ay angkop na programa para sa inyo. Sa ilalim ng CMP, ang mga maralitang taga-lungsod ay maaaring umutang upang magkaroon ng sariling lupa at maayos na tahanan. Bago kayo makautang, dapat na ang mga naninirahan sa lupa ay magbuo ng asosasyon o magparehistro ng isang samahang pangnayon – o isang kooperatiba na mangungutang at magsisilbing may-ari ng lupang bibilhin hangga’t hindi pa nahahati-hati ang mga titulo nito. Ang bawat pamilyang kasapi ay maghuhulog ng buwanang amortisasyon hanggang mabayaran ang utang.

Sa CMP ang may-ari ay dapat na pumapayag o nakikipagkasundo na ibenta ang lupa sa samahan o asosasyon, ang lupa ay dapat na may titulo at walang ibang nakarehistrong pananagutan sa panahon na ito ay ipapangutang sa CMP. Ang gamit ng lupa ay dapat na residential at kung hindi man ay kailangan ng paglilipat ng gamit nito sa residential. Kailangan din na may kasulatan na layunin ng may-ari ng lupa na ibenta at layunin ng asosasyon o samahan na bilhin ito. Ang halaga ng mauutang ng bawat pamilya ay maaaring umabot hanggang P120,000 para sa Metro Manila at ibang highly urbanized areas at P100,000 sa ibang lugar.

Show comments