Malacañang minumulto ng sariling multo

NAKADIDISMAYA ang ulat kahapon nang mag-red alert ang buong puwersa ng militar at pulisya dahil sa balitang kudeta. May mga troop movements daw na na-monitor galing Cavite patungong Makati. Mga military trucks na nag-uunahan sa kalye ang nakitang may sakay ng sangkatutak na sundalo. Naka-full battle gear pa raw.

Nang mahimasmasan ang gobyerno kambiyo sila dahil galing daw pala ang mga sundalo sa military training at return to barracks lamang. Kaya raw pala matutulin ang takbo nila ay mag-uunahan lang pala sa kubeta at hindi para maglunsad ng kudeta?

Marami kasing sundalo ang hindi na-ebak sa kanilang pinanggalingang lugar kaya nagmamadaling umuwi sa kanilang barracks. Ika nga, first come, first serve sa takubits?

Ang pinanggalingan ng kuwentong kutsero, ay text messages na may panibagong pagbabanta. Pero hindi ma-indentify kung sino ang utak ng text messages na mabilis daw kumalat.

Nalulungkot ang mga kuwago ng ORA MISMO, sa nangyaring tsismis dahil mga investors at businessmen na naman ang apektado nito. Buti na lang at linggo kahapon walang mga business transactions kundi siguradong aalagwa na parang boka-boka ang ating piso kontra dollar.

May mga ganid sa itaas sigurong gustong mag-swapang para paabutin ng P60.00 per US$1.00 ang palitan ng mga pera ngayong Kapaskuhan. Huwag naman mga kamote!

Ang isa pang isyu sa tsismis ay para pigilan ang 2004 Presidential Elections. Gimmick man o hindi sana huwag kayong magbiro!

"Pero bilib ang mga kuwago ng ORA MISMO, sa AFP at PNP dahil laging handa sa mga kalaban ng gobyerno," sabi ng kuwagong nagsa-saranggola.

"Matindi kasi ang pondo nila sa intelligence kaya mabibilis sila," anang kuwagong pulis na naglalanggas ng galis.

"May multo ba sa Palasyo kaya sila takot?" tanong ng kuwagong Kotong cop.

"Wala! Sarili lang nilang multo ang tumatakot sa kanila."

"Si Da King ba ang multo kaya sila natatakot?"

‘‘Marami kasing nakalabang multo si Panday sa pelikula kaya ito ang ikinatatakot nila."

"May multo ba talaga?

"Iyan ang itanong mo sa kanila, kamote".

Show comments