Isang eroplano ng Philippine Air Force ang nag-crash sa Nasugbo, Batangas noong Sabado. Nakapag-parachute ang dalawang piloto at nakaligtas sa kamatayan. Galing sa Palawan ang OV-10 attack plane at patungo sa Sangley Point, Cavite nang mag-malfunctioned ang makina at bumagsak. Mabilis namang nakapag-parachute ang mga pilotong sina Capt. Froilan Paras and 1Lt. Peter Paul Lim.
Hindi iyan ang unang pagkakataon na nagkaroon ng trouble ang mga fighter plane ng PAF. Noong 2002, apat na beses nagkaroon ng trahedya dahil sa pag-malfunction ng mga eroplano. Noong April 2002, dalawang PAF plane ang sumabog at nag-crashed habang nagsasagawa ng Balikatan exercises sa pagitan ng mga sundalong Pinoy at Kano. Wala namang namatay sa pagsabog. Sumunod na buwan, isang pupugak-pugak uling PAF jet ang nag-explode sa ere at nag-crashed sa isang school sa Mabalacat, Pampanga. Namatay ang piloto at may 16 katao ang nasugatan sa ground. Noong October 2002, isang PAF attack helicopter ang nag-emergency landing sa Davao City. Ilang araw ang nakalipas, isa pang Air Force plane nag-crashed sa Zamboanga City dahil sa engine trouble.
Hindi na nakapagtataka ang nangyari noong Sabado, karaniwan na lamang ang nangyayaring pagbagsak ng mga eroplano ng Air Force. Mas magandang tawaging mga kabaong na lumilipad ng Air Force. Karamihan sa mga eroplano ay hindi na aiworthy. Pupugak-pugak. Nang bumisita si US President George W. Bush sa bansa noong October nangako siya ng 30 UH-1H Huey helicopters at mga baril para sa Armed Forces of the Philippines. Nasaan na ang mga ito? Nararapat nang magkaroon ng modernization sa Philippine Air Force. Nakakahiya na ang mga katabing bansa ay may sopistikadong gamit pandigma samantalang sa Pilipinas ay mga basurang eroplano. Mauubos ang mga piloto ng PAF at magdadamay pa ng mga sibilyan kapag hindi inalis ang mga lumilipad na kabaong!