EDITORYAL - Mga Pinay DH sa Kuwait, protektahan

NANG salakayin ng Iraq ang Kuwait noong August 1990 at nakubkob, walang ibang natuwa sa pangyayaring iyon kundi ang mga Pinay na dumanas ng pagpapahirap at pang-aabuso sa amo nilang Kuwaiti. "Mabuti nga sa kanila," sabi ng isang Pinay DH na tumakas habang binobomba ng Iraq ang Kuwait. Sumama ang Pinay sa mga tumakas na kababayan na apektado ng giyera at humantong sa Saudi Arabia. Sa isang hotel sila tumuloy at doon na nakahingi ng tulong sa pamamagitan ng mga kababayang Pilipino. Sa pagkukuwento ng DH, ilang beses siyang ginahasa ng among Kuwaiti. Papupuntahin siya sa kuwarto ng amo at hubu’t hubad na magpapamasahe sa kanya. Wala siyang magawa kundi ang sumunod. Ang kasunod na ng pagmamasahe ay ang pagkalugso ng kanyang puri. Impiyerno ang kanyang buhay doon. Kaya nang salakayin ni dating President Saddam Hussein ang Kuwait, tuwang-tuwa siya. Sa isang iglap naging bayani para sa kanya si Saddam.

Mula noon hanggang ngayon, patuloy pa rin ang pang-aabuso ng mga Kuwaiti sa mga Pinay DH. Sinasamantala ang kahinaan at karukhaan ng mga Pinay. Mababa ang pagtingin ng mga Kuwaiti sa mga Pinay at isang parausan lamang. Kung mayroon mang dapat ipag-rally ang mga kababaihang grupo, walang iba kundi ang mga kawawang Pinay sa Kuwait. Sila ang dapat tulungan kaysa sa pumalaot sa magulong pulitika.

Nakaaalarma na ang sunud-sunod na panggagahasa sa mga Pinay DH sa Kuwait. Ayon sa report may apat nang insidente nang panggagahasa roon na ang pinakahuli ay nangyari noong November 17. Isang Pinay ang ni-rape ng siyam na kabataang Kuwaiti. Naglalakad umano ang Pinay nang harangin ng mga kabataan at dinala sa isang disyerto at doon pinilahan. Noong November 10, dalawang Pinay DH din ang ni-rape. Tinutukan sila ng patalim ng mga Kuwaiti.

Mas matindi naman ang nangyari sa isang Pinay sapagkat ang gumahasa sa kanya ay mga pulis. Naganap ang pangre-rape sa Pinay noong November 14 sa Sabah-Al-Salem Police Station. Isa pang panggagahasa ang naganap sa disyerto sa Wafra kung saan isang Pinay ang pinilahan ng apat na lalaki.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) kumikilos na sila sa sunud-sunod na pangre-rape sa mga Pinay. Hindi aniya titigil ang Pilipinas hanggat hindi nabibigyan ng hustisya ang panggagahasa. Dapat lang. Sa aming palagay, hindi napuprotektahan ang mga Pinay DH doon o ang mga Pinoy sa kabuuan. Hindi sila namo-monitor ng Philippine Embassy officials. Hindi kaya nagpapalamig lamang sila sa magandang opisina habang marami ang kumakatok para humingi ng tulong?

Show comments