Pero nakadidismaya ang pangyayari sapagkat hindi ganap na naibigay ng dalawang water companies ang mahusay na serbisyo na inaasam ng mga consumers. Marami pa ring lugar ang salat sa tubig. Mayroong hangin ang lumalabas sa kanilang gripo. At ang hangin na iyon ang kanilang binabayaran.
Mas matindi ay ang balitang marami sa mga tubo ng tubig partikular sa Tondo, Manila, ay pinasukan ng dumi ng tao at iyon ayon sa Department of Health ang naging dahilan kaya may gastro outbreak sa nasabing lugar. Apat na ang naitalang namamatay na dahil sa gastroenteritis at diarrhea sa Tondo. Nadiskubre ng Maynilad ang maraming leak at ang illegal connections doon.
Pero hindi lamang sa Tondo may maruming tubig kundi pati na rin sa CAMANAVA areas. Sa isang pagsasaliksik ng University of the Philippines Natural Science Research Institute, napatunayang may fecal coliform bacteria ang inuming tubig sa Malabon. Ang Maynilad ang nagsusupply ng tubig sa CAMANAVA area. Sa isang report, may cholera outbreak nang naitala sa nasabing lugar na dagli namang itinanggi ng Department of Health.
Saan dumaan ang mga bacteria? Wala na silang pagdadaanan kundi ang mga sirang tubo. Umanoy napakaraming sirang tubo ng tubig sa CAMANAVA. Hindi lang sa CAMANAVA kundi sa maraming lugar sa Metro Manila.
Ang masaklap, sa kabila na ang Maynilad ay nasasangkot sa isyu ng kontaminadong tubig, magtataas pa sila ng singil. Sa kabila na mahina ang serbisyo, naaatim pang pahirapan ang consumers. At kung makapagtaas naman ng singil, mapalitan na kaya ang mga sirang tubo lalo na ang mga dinadaanan ng dumi ng tao?