EDITORYAL - Sayyaf di madurog dahil sa corruption

MY government and yours are pursuing a common objective: We will bring Abu Sayyaf to justice," ito ang sinabi ni US President George W. Bush sa kanyang 20 minutong talumpati sa joint session ng 12th Congress noong Sabado. Hindi lamang ang Abu Sayyaf ang ipinangakong uubusin ni Bush kundi pati ang Jemaah Islamiyah terrorist movement na banta sa mga bansa sa Asia.

Babaha ng tulong mula sa US. Sa isang report tinatayang magkakaloob ang $340 milyon ang US para sa military para matapos na ang pamamayagpag ng mga terorista lalo na ang Abu Sayayaf na nagbigay na ng grabeng kahihiyan sa Pilipinas. Kumamal nang maraming pera sa pangingidnap ng mga dayuhan. Ipinatutubos ng milyong dollar. Mas matindi na pumapatay nang walang awa. Ilang tao na ang pinugutan ng ulo at maski ang mga babaing teacher ay hindi pinatatawad. Tinatapyasan muna ng suso bago patayin.

Naging kontrobersiya ang Abu Sayyaf. Marami ang nagtataka na sa kabila na maliit lamang ang grupo (ayon sa military ay wala pang 1,000 miyembro) ay hindi madurog at patuloy sa pangingidnap. Nagkaroon ng pagdududa nang may kutsabahan sa pagitan ng military at Abu Sayyaf. Tumindi nang akusahan ng isang paring Katoliko na pinatakas ng military ang mga terorista nang makorner ang mga ito sa isang hospital sa Basilan. Itinanggi naman ng military ang akusasyon. Nitong July 27, 2003, nang mag-aklas ang may 300 junior officers isiniwalat nila ang umano’y pagbebenta ng mga armas ng AFP sa mga teroristang Abu Sayyaf, separatist group na MILF at rebeldeng New People’s Army.

Sa isang editorial ng New York Times na lumabas noong Sabado, sinabi na ang pagbibigay ng tulong ng US sa AFP ay nagdudulot lamang ng corruption. Ang budget na ibinibigay ng US sa Philippine Military ay nauubos lamang sa graft. Sabi pa ng editorial ang mga armas na bigay ng US ay ipinagbebenta lamang sa mga kalaban dahil sa kagagawan ng mga corrupt sa AFP. Patunay aniya ang pagkakatagpo sa mga US high-powered firearms sa mga nakubkob na kuta ng mga terorista. Kung ganito ang mangyayari, mas mabuti pang magkaloob na lamang ng economic support sa mahihirap na lugar ang US kaysa sa military aid.

Corruption ang dahilan kung bakit patuloy ang Abu Sayyaf at iba pang teroristang grupo sa kanilang masamang gawain. Kasabay sa pagdurog sa Sayyaf dapat na ring wasakin ang mga corrupt sa military.

Show comments