Pero hindi lang si Moya ang may gimik ng pa-golf. Maging si SPO3 Pedro Marzan ng eastern CIDG ay nagpapakalat din ng tiket sa eastern Metro Manila nga. Ang kaigihan lang nitong si Marzan ay bukas ang mga pasugalan sa kaharian niya kayat marami ang mapipilit niyang bumili ng tiket na nagkakahalaga ng P4,000. Nakikipag-away pa si Marzan kung tatanggihan ang tiket niya. Aba, tingnan natin kung hanggang saan ang tigas ni Marzan, di ba mga suki? Isa lang kasi si Marzan sa mga sumisira sa liderato ni Dir. Eduardo Matillano, ng CIDG. Ano ba yan?
Kaya pala tumataas ang bilang ng krimen sa ating bansa dahil balik na naman sa dating gawi ang hilig ng mga opisyales ng PNP na kung hindi naggo-golf ay naglalakad ng promotions o puwesto nila sa darating na rigodon. Bakit hindi kayang ipagbawal ito ni PNP chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane Jr.? Kasi nga nauubos lang ang oras ng kapulisan natin sa pagbenta ng tiket at kung ano pang uri ng solicitation. Ang mga pulis daw ay naka-deploy sa ngayon subalit hindi para tugisin ang mga kriminal kundi hanapin ang kanilang PR para bentahan ng tiket. Samantalang ang mga hepe o superiors nila ay naglilibang lang sa paglaro ng golf, he-he-he! Kamahal naman ng larong yan at ang mga gambling lords palagi ang kawawa.
Ang tee-off time ng pa-golf ni Moya ay alas-6 ng umaga. Golf for a Cause umano ito pero hindi naman nakasaad sa tiket kung sinu-sino ang mga beneficiary. May apat na bahagi ng tiket tulad ng lunch, caddy ticket, raffle ticket at registration. Sigurado akong magiging masaya ang golf tournament ni Moya at aabangan natin mga suki kung sinu-sinong heneral ang nandoon. At kapag may nangyaring malaking krimen tulad ng kidnapping at bank robbery ipaalam natin sa sambayanan kung sinu-sino ang wala sa kani-kanilang opisina para managot, di ba mga suki? Kasi nga nagbabayad ng tamang buwis ang sambayanan eh hindi naman sinusuklian ng trabaho ng ating kapulisan.