Aber sige nga, masubukan ang pangil ni CSC Chairman Karina David

SUSUBUKAN ng aming grupo sa TV ang ‘‘BITAG’’, ang ‘‘pangil’’ ng Civil Service Commission (CSC). Kaya daw kasi nilang parusahan ang sinumang abusadong kawani ng pamahalaan na gumagamit ng mga government vehicle pang good time.

Ito ang ipinagmamalaki ni Civil Service Commission Chairman Karina Constantino David sa aking programang ‘‘Imbestigasyon ng BAHALA SI TULFO’’ sa DZME Biyernes ng umaga.

Sadya naming hinagilap si CSC Chair David para linawin ang aming narinig sa kanyang mga sinabi sa isang himpilan ng radyo. Mga sasakyang pang-gobyerno (red plate) ginagamit sa alanganing oras at alanganing lugar.

Kumpleto ng file footage ang aming surveillance team sa TV. Hindi kami tulad ng iba, papitik-pitik lang sila ng kanilang mga camera sa mga sasakyang red plate na ginagamit pang-shopping sa malls at ginagawang hatid-sundo sa eskwelahan.

Kauna-unahan ang grupo ng ‘‘BITAG’’, sa ABC-5, KINUKUMPRONTA ang sinumang mga walang-hiya’t makakapal ang mukha na aming mahuhuli. Mga opisyales na naaktuhan namin palabas ng mga KTV at sauna parlors gamit ang sasakyan ng gobyerno.

Naging ‘‘cat and mouse game’’ ang trabaho ng ‘‘BITAG’’ sa bagay na ito. ’Yung mga nakakatunog na nakaabang ang aming grupo sa labas, ayaw lumabas sa lungga (KTV). May natitirang hiya pa pala ang mga ito. Hindi nila kayang panindigan ang kanilang kagaguhan sa harap ng aming camera.

Mga empleyado na mismo ng mga KTV ang nakikiusap sa amin na baka daw atakihin sa puso. Pinagpapawisan na sa loob at hindi malaman kung ano ang gagawin. Ayon sa mga ‘‘naaawang’’ empleyado ng KTV palagpasin na lang daw ang mga ‘‘pobreng’’ nabahag ang buntot dahil tiyak natututo na raw ang mga ito.

Ipiprisinta namin kay CSC Chairman David ang mga nasabing file footage mula sa aming surveillance. ’Yung mga buo ang dibdib na humarap sa aming camera karamihan ay mga ‘‘elected officials.’’

Pero ayon sa paliwanag ni Chairman David, kahit na mga elected official, magagawa niya raw itong ipasa sa mga coordinating agencies para maaksiyunan at ‘‘maparusahan’’ ang mga ito?

Malamang nasanay si Chairman David sa estilo nung dating ‘‘Hoy Gising!’’ sa telebisyon hinggil doon sa mga sasakyang nakaparada sa malls, eskwelahan at iba pang lugar.

Kaya nagulat siya nung sinabi ko, KINUKUMPRONTA namin ’yung aming mga mahuhuli. Magiging madali sa mag-iimbestigang tanggapan dito sa mga elected officials dahil ang mga makakapal na mukha na ’to, nagsalita at nagbigay ng kanilang dahilan sa ‘‘BITAG’’ habang pumapatak yung pawis sa kanilang noo.

Ang hindi ko makalimutan hinabol namin ang sasakyan na may tatak na Ombudsman nakaparada ito sa harapan ng isang high class restaurant sa Timog madaling-araw na ng Sabado. ’Nung makita ang aming grupo halos mabangga ang kanyang sasakyan makaiwas lang sa aming ‘‘BITAG’’.

Aber sige nga, masubukan ang pangil ni CSC Chairman Karina David. Baka naman mauwi lang ito sa ngawa. At hindi kayang panindigan ang GAWA!
* * *
Para sa TIPS type:

BITAG<space>TIPS<space> (message)


COMPLAINTS type:

BITAG<space>COMPLAINTS <space> (message)


FEEDBACK type:

BITAG<space>FB <space>(message)


I-text at i-send sa 2333 (Globe/TouchMobile) 0 334 (Smart/TalknText).

O tumawag sa telepono 932-5310/932-8919. Makinig sa DZME 1530 Khz, Lunes hanggang Biyernes, 9:00-10:00 ng umaga. Panoorin ang "BITAG" tuwing Sabado, 5:00-5:30 ng hapon, ABC-5.

E-mail us: bitagabc_5@yahoo.com

Show comments