Nasa tabi mismo ni Jaworski ang sagot.
Sino ba ang nagharap sa "star witness" sa publiko? Yabang ni Ping Lacson na 30 taon siyang imbestigador, pero di naman niya pinag-aralan ang kaso at pagkatao ni Mahusay. Di bat binunyag ni Sen. Nene Pimentel na nilapitan pala siya ni Mahusay 10 buwan na ang nakalipas, pangal-pangal ang kuwentong Pidal, pero di niya pinatulan dahil walang ibang witness at ebidensiya? Dahil may mabababaw nang nakapasok, wasak na ang tingin ng madla sa Senadong dating marangal dahil sa statesmen tulad nina Recto, Tañada at Diokno.
Yang asal ni Lacson ang bumasag sa imahe ng Senado. Nagkatha siya ng alamat ng kabuktutan at money-laundering ni Mike Arroyo, pinalabukan ng umanoy pagkutsaba ng Supreme Court justices at newsmen, at isinadula sa ilalim ng palda ng parliamentary immunity. Hindi siya nagharap ng ebidensiya. Ngayong lumantad si Ignacio Arroyo at umakong Pidal, ayaw pa rin ni Lacson maghabla sa Korte para pabuksan ang bank records.
"Maraming pusong dito sa Senado," iling ni Jaworski. Sino, si Mahusay o ang mga kapwa niya Honorable Senators?
Kasama si Sen. Loi Ejercito sa basang-papel ng Senado. Nanlilisik nang tanungin kung alam ni Mahusay na bawal sino man gumamit ng presidential yacht miski pang-charity event tulad ng sabi ng witness kung wala ang Presidente mismo. Naalala bigla ng madla ang malakihan magdamagang pagmamadyong sa yate ng asawa niyang si Erap, at pagbalato nito ng tig-P1 milyon kina Sen. John Osmeña at Tessie Oreta. Naalala rin ang pag-"hijack" ng anak niya ng presidential plane para i-joyride sa Mindanao ang barkada.