Sumunod din na pinagpiyestahan ng mga senador ay si Udong Mahusay na unang nagbigay ng kanyang testamento kay Lacson. Binago ni Udong ang kanyang testimonya na nag-aakusa sa First Gentleman. Walang katotohanan ang mga naunang inilahad niya. Galit lamang siya sa First Gentleman at Victoria Toh.
Sa tagal ng hearing at napakahabang seremonya, wala itong katuturan sapagkat hindi naman ito nakatugon sa inaasam-asam ng taumbayan na malaman ang katotohanan tungkol sa mga akusasyon ni Lacson. Sa halip na siya ang nasa defensive, si Arroyo pa ang nasa offensive, di ba? Ipinakita ng First Gentleman na siya ay matatag. Maaaring nakakuha rin siya ng simpatiya nang banggitin niya ang paghihirap ng kalooban ng kanyang pamilya dahil sa kasong ito.
Kapansin-pansin na hindi naging handa ang hearing. Kulang ang mga dokumento na kinakailangan sana. Hindi naiharap si Ignacio Arroyo sapagkat hindi malaman kung saan ibibigay ang subpoena para rito. Mahalaga ang pagdalo ni Ignacio sa pagdinig na ito sapagkat ang kapatid ng First Gentleman ay siya nang nagpakilala bilang Jose Pidal na sentro at prinsipal na sangkot sa mga akusasyon ni Lacson.
Nakatawag ng pansin si Robert Jaworski. Kinastigo niya si Udong Mahusay sa ginawa nitong kaguluhan na parang pinaglalaruan ang mga senador at publiko.
Sabi ko na nga ba at sayang lamang ang panahon at pera na mawawaldas sa walang kakuwenta-kuwentang palabas na ito sa Senado.