Tinuligsa ang mga Eskriba't Pariseo

ANG pagpapaimbabaw ay tunay na kasuklam-suklam na ugali ng mga tao. Sa Ebanghelyo sa araw na ito, tinuligsa ni Jesus ang mga Eskriba’t Pariseo. Nais nilang maituring na mas banal kaysa sa kung ano talaga sila (Mt. 23:27-32).

"Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ang katulad ninyo’y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit sa loob ay puno ng kabulukan at buto ng mga patay. Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao’y mabubuti kayo, ngunit ang totoo, punung-puno kayo ng pagpapaimbabaw at kasamaan.

"Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ipinagpapatayo ninyo ng mga libingan ang mga propeta at ginagayakan ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. At sinasabi ninyo, "Kung kami sana’y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi namin ipapapatay ang mga propeta." Sa sinabi ninyong iyan, inaamin ninyong kayo’y mga anak ng mga nagpapatay sa mga propeta! Sige! Tapusin ninyo ang pinasimulan ng inyong mga ninuno!"


Inihalintulad ni Jesus ang mga eskriba’t Pariseo sa mga pinaputing libingan. Ang pinakadiwa ng pagpapaimbabaw ay hindi lamang ang pagsusuot ng maskara, kundi ito ay ang pagkanulo sa sarili. Walang ibang niloloko ang mapagpaimbabaw kundi ang kanilang mga sarili kapag ipinagpatuloy nila ang kanilang panlabas na pagpapakita habang ang kanila namang kalooban ay nananamlay sa pagka-pangkaraniwan.

Show comments