Namumuno ako sa isang homeowners association. Mahigit kaming 50 pamilya na nakatira sa isang pribadong lupain at maayos ang aming pakikitungo at relasyon sa may-ari ng lupa. Sampung taon na kaming nakatira rito at regular na nagbabayad ng upa sa may-ari.
May pangangailangan sa pera ang may-ari at sinabi niya sa amin na kung may pondo po ang aming samahan, maaari raw po naming bilhin ang kanyang lupain. Minsan ko nang nabasa ang tungkol sa Community Mortgage Program ng National Home Mortgage and Finance Corporation sa inyong kolum dito sa Pilipino Star NGAYON (PSN) at nais sana naming makabahagi sa benepisyo ng programang ito.
Hinihiling kong ipaliwanag nyo ang CMP sa inyong kolum. Ben Manuel, Caloocan City
Ang Community Mortgage Program ay angkop para sa inyong kalagayan. Sa ilalim ng CMP ang mga maralitang taga-lungsod o ang mga tinatawag na informal settlers ay maaaring umutang upang magkaroon ng sariling lupa at maayos na tahanan. Bago kayo makautang, dapat na ang mga naninirahan sa lupa ay magbuo o magparehistro ng isang samahang pangnayon o isang kooperatiba na siyang mangungutang at magsisilbing may-ari ng lupang bibilhin hanggat hindi pa nahahati-hati ang mga titulo nito. Ang karapatan ng bawat kasapi o benepisyaryo sa lupa at ang kanyang pag-aari ng bahagi nito ay nababatay sa isang kasunduan niya sa samahan na tinatawag na "lease purchase agreement." Ang bawat pamilyang kasapi ay unti-unting maghuhulog ng buwanang amortisasyon hanggang ang kabuuang pagkakautang ay mabayaran ng lubusan.
Sa CMP ang may-ari ng lupa ay dapat na pumapayag na ibenta ang lupa sa asosasyon, ang lupa ay dapat na may titulo at walang ibang nakarehistrong pananagutan sa panahon na ito ay ipapangutang sa CMP. Ang gamit ng lupa ay dapat na residential.
Para sa karagdagang detal-ye maari kang tumawag o makipag-ugnayan sa tang- gapan ng CMP, Filomena Building III, 104 Amorsolo St., Legaspi Village, Makati City. Tel. 8925760. Maraming salamat sa pagsubaybay sa PSN.