Kumilos ang Department of Finance at nilatigo ang mga corrupt sa Bureau of Internal Revenue (BIR). Apat na BIR officials ang iniimbestigahan na ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) tungkol sa mga kaduda-dudang ari-arian at matatabang account nila sa banko. Ang apat batay sa imbestigasyon ng Finance Department ay may malalaki at magagandang bahay sa mga eksklusibong subdibisyon, maraming sasakyan, may mga farm sa probinsiya at kasapi sa kung anu-anong organisasyon ng mga mayayaman. Ayon sa imbestigasyon, sumasahod lamang nang mahigit P20,000 ang apat na BIR officials. Hindi umaakma ang kanilang suweldo sa dami ng kanilang ari-arian.
Kamakailan, sinabi ni Mrs. Arroyo na dapat ang mga government officials ay magpakita ng simpleng pamumuhay sa taumbayan. Ang mga naglilingkod ay dapat na maging halimbawa at huwag na huwag magpapakita ng kapangyarihan. Ang lifestyle check ay muli na namang binuhay. Sana ngay totoo na ang kampanya ng gobyerno laban sa katiwalian.
Ang tagumpay laban sa mga corrupt ay hindi pa dapat ipagsaya ng taumbayan. Nagsisimula pa lamang batay sa mga ginagawang hakbang ng pamahalaan. Hanggat walang nakikitang nakukulong na matatakaw na buwaya, hindi pa dapat magsipagsaya.
Noong Lunes ay ipinag-utos na ng Public Estates Authority (PEA) ang pagsibak sa limang PEA officials kaugnay ng maanomalyang President Diosdado Macapagal Boulevard. Pagsibak lamang ba ang dapat sa kanila na nakinabang sa overpricing ng PDMB. Umanoy nag-overpriced ng P600 milyon ang may 5.1 kilometrong highway. Ang kalsadang ito ang itinuturing na pinaka-mahal na sa bansa.
Kung pagsibak lamang sa tungkulin ang ipapataw sa lima, parang binigyan lang sila ng pera at pinagpahinga na. Ganyan lamang ba ang parusa sa mga corrupt na lumulustay sa perang galing sa taumbayan? Kung ganyan kalambot ang pamahalaan, hindi kataka-takang may mag-aklas gaya ng nangyari sa Makati noong nakaraang linggo.