Babaing nahulihan ng 'damo'

ISANG gabi, nakatanggap ng tip ang pulisya tungkol sa isang babaing nakasuot ng maong at jacket, naka-Ray Ban shades at may dalang isang malaking itim na bag na sasakay sa isang tricycle kinabukasan ng umaga sa national highway. Ayon din sa informer, ang laman ng itim na bag ay marijuana. Base sa nasabing tip, bumuo ang hepe ng pulisya ng tatlong grupo sa pamumuno ni SPO1 Rogelio, na magpapatrulya sa poblasyon sa nasabing highway kinabukasan ng alas singko ng umaga.

Kinabukasan, dakong 6:30 ng umaga, nakita ng mga pulis ang babaing tinutukoy sa tip. Nilapitan nila ito habang sakay ng tricycle at tinanong kung kanya ang nasabing itim na bag. Tumanggi ito subalit itinuro siya ng drayber ng tricycle na may-ari ng bag. Hindi rin pumayag ang babae na buksan ito dahil ang susi raw nito ay nasa mga kasamahan niya na nasa palengke ng oras na yun. Sa paniniwalang ang bag ay naglalaman ng marijuana base sa natanggap na tip, dinala ng mga pulis ang babae, ang drayber at ang itim na bag. Doon ay puwersahang binuksan ng hepe ang bag at nakita ang sampung bloke ng tuyong dahon ng marijuana. Napag-alaman na ang babae ay si Laura.

Kinasuhan si Laura ng illegal transporting, delivering and distributing prohibited drugs in violation of Sec. 4 of RA 6425.

Inayunan ng Korte ang kredibilidad ng testimonya ni SPO1 Rogelio kaysa sa depensa ni Laura na nakatayo lamang siya sa highway at ang itim na bag ay hindi niya hawak kundi nakalagay sa tricycle. Hindi rin pinaniwalaan ng Korte ang testimonya ng drayber na naiwan ang itim na bag sa kanyang tricycle ng isang pasahero. Kaya si Laura ay nahatulan at nasentensyahan ng habambuhay na pagkabilanggo.

Umapila si Laura kung saan iginiit niya na hindi maaaring gamitin ang marijuana laban sa kanya dahil ilegal ang pag-aresto sa kanya kaya ang pagsamsam ng marijuana ay ilegal din. Tama ba si Laura?

MALI.
Kahit na walang dalang search warrant ang mga pulis na humuli sa kanya, mayroon naman itong sapat na kaalaman at paniniwala na si Laura sa oras na iyon ay gumagawa ng krimen.

Sa kasong ito, natanggap lamang ng mga pulis ang tip noong gabi samantalang kinaumagahan mangyayari ang pagdadala ng marijuana. Dahil wala nang oras pa ang pulisya na kumuha ng warrant, inaresto na lamang nila ang sinasabing babae sa aktong pagdadala ng marijuana. Hawak ang eksaktong pagsasalarawan sa babaing huhulihin kaya nang mahuli si Laura, may sapat ng kaalaman ang pulisya.

Ang sentensya ni Laura ay hindi dapat habambuhay na pagkabilanggo kundi reclusion perpetua kung saan matapos ang 30 taon, maaaring siyang mabigyan ng pardon (Pp. Vs. Gonzales, G. R. 121877 September 12, 2001).Q

Show comments