Dumating bandang alas diyes ng gabi sina PO3 Ramiro at PO3 Sales. Binuhat nila si Leo sa mesa. Ilang minuto ay dumating na ang doktor. Habang ginagamot si Leo, tinanong ni PO3 Ramiro ito kung sino ang gumawa nito sa kanya, "si Juan," ang muling sagot ni Leo. Dinala sa ospital si Leo subalit namatay din.
Kinabukasan, bandang alas singko ng umaga, nagpunta ang mga pulis sa bahay ni Juan de la Merced na tatlong kilometro ang layo sa restaurant ni Leo. Sumama siya sa mga pulis dahil sinabi ng mga ito na gusto lamang siya makita ng hepe ng mga pulis subalit nalaman na lamang niya na suspek pala siya sa pagkamatay ni Leo. Ikinulong si Juan at kinasuhan ng pagnanakaw at pagpatay kasabwat ang isa pang suspek.
Tanging si Juan lamang ang nilitis. Depensa niya ay alibi subalit nahatulan pa rin siya. Ayon sa Korte, tatlong kilometro lang ang layo ng kanyang bahay sa restaurant at ang "dying declaration" o ang huling kataga ni Leo bago mamatay ito, ay ang pagbigkas ng kanyang pangalan na siyang taong sumaksak dito. Base rin ito sa testimonya ni Nardo na si Juan ang kriminal dahil dati itong tauhan ni Leo.
Isinaalang-alang din ng Korte ang pagtukoy ng pulis kay Juan na ibinase lamang sa sinabi ni Nardo sa kanya. Tama ba ang hatol ng Korte?
MALI. Ang "dying declaration" tulad ng kay Leo ay tinatanggap ng hukuman bilang ebidensya. Subalit sa kasong ito, hindi naging sapat ang pagtukoy kay Juan na pumatay kay Leo. Kahit na magkatugma ang mga testimonya nina Nardo at PO3 Ramiro sa pagtukoy kay Juan, hindi pa rin ito kaseguruhan na si Juan nga ang pumatay kay Leo.
Ang pangalang Juan ay isang karaniwang pangalan at ang paglalarawan na "dating tauhan ng restaurant" ay hindi sapat na ebidensya sa naging hatol ng Korte. Una, apat na buwan pa lamang siyang nagtatrabaho sa restaurant at hindi niya tiyak na maaaring may iba pang tauhan na nagngangalang Juan bago pa man siya na-empleyo. Ikalawa ay ang hindi malinaw na pagtukoy ni PO3 Ramiro na iisang Juan lamang ang nagtatrabaho sa restaurant. Sinabi lamang niya sa Korte na kilala niya si Juan bilang tauhan dito.
At dahil may pag-aalinlangan sa tiyak at malinaw na pagtukoy sa kriminal, pinawalang-sala si Juan de la Merced (People of the Philippines vs. Contega G.R. 133579 May 31, 2000).