Paglalantad sa estilo ng bigtime human smuggling syndicate sa labas ng bansa

NARITO ang kontak ng sindikatong nasa likod ng human smuggling na pinamumunuan ni ANALYN LOPEZ kilala sa pangalang ‘Baby’ at kanyang mga alyas na pangalan, EVELYN BANAL, SUZETTE FLORES.

GOLDSTAR EXPORT & TRAVEL, matatagpuan sa 120-388 SOI SOMPRASONGRUAM PRATUNAM PETCHBURI ROAD, BANGKOK THAILAND. Pagmamay-ari ito ni KHALID MAHMOOD, isang Pakistani national pero may hawak na Malaysian passport.

Espesyalidad ng GOLDSTAR EXPORT & TRAVEL ay pagpapalsipika ng mga pasaporte. Malawak ang kontak nitong dorobong na si KAHLID MAHMOOD. Kasing bantot din ni Khalid ang kanyang kabalahibong si ‘‘ANALYN LOPEZ’’.

Base sa report, si Khalid ay nahuli na ng ilang beses ng mga immigration authorities ng Italy. Ipinagmamalaki pa daw ni Khalid ang kanyang ‘track record’ sa larangan ng kanyang pagiging human smuggler.

Para sa mga sindikato, walang tatalo sa pagiging eksperto ni KHALID kung passport falsification ang pag-uusapan, kaya siya ang kanilang tinatakbuhan.

Para kay KHALID, nakakatulong daw siya sa pag-unlad ng buhay ng mga biktimang kanyang pinuslit sa mga bansang kanilang ilegal na pinapasok.

Subok na ni ANALYN LOPEZ ang serbisyo ni KAHLID kaya maganda ang relasyon ng dalawa sa kanilang ilegalidad.

Tulad ng kanilang mga ginawa na para huwag maging overstaying tourist ang mga biktima ng human smuggling ni ANALYN LOPEZ sa Bangkok, ilang beses nila pinuslit ang mga ito sa Cambodia.

Mahigit lang sa kalahating oras sila sa Cambodia, kumbaga pinalanghap lang ng sariwang hangin ng nasabing bansa ang mga biktima at pagkatapos binalik muli sa Bangkok.

Sa ganitong paraan, nabibigyan ng panibagong ‘‘30 day stay’’ ang mga pobreng biktima ni ANALYN. Tinatatakan muli ang kanilang passport kaya legal na naman ang kanilang pananatili bilang mga turista sa Bangkok.
* * *
Isa sa mga estilo ng sindikatong si ‘‘Baby’’ ay kunan ng ‘‘transit visa’’ ang kanyang mga nabiktima. Ito’y pinagpaplanuhan ng maigi. Yung bansang ‘‘stop over’’ lamang, dun sila papasok ng legal sa tulong ni Khalid

Mula sa airport, matutulog muna sila sa hotel, overnight. Kinabukasan pa ang kanilang flight. Pagdating sa hotel na tutulugan, isa-isa silang pupuslit palabas ng hotel.

Hindi sila pagdududahan dahil hindi nila puwedeng dalhin ang kanilang passport at ang kanilang mga bagahe ay iniiwan sa kuwarto. Subalit may naghihintay na sa kanilang sasakyan sa labas ng hotel.

Hindi na babalik ang mga nagsitakas dahil nasa kamay na sila ng kanilang kontak ng nasabing bansa at itinatago muna sa isang safe house. Dito mag-uumisap ang kanilang buhay bilang mga TNT (tago ng tago)

Linggo o buwan lang ang bibilangin ng mga ini-smuggle (TNT) na Pinoy, makakapagtrabaho na sila ng illegal sa pamamagitan ng mga ‘‘sweatshop’’ o di naman kaya sa mga ‘‘bahay aliwan’’.

Alam ng mga mapagsamantalang employer na mga TNT ang mga ito kaya mababa ang kanilang sahod. At ang pinakamasahol dito, hindi makatao ang trato sa kanila kaya pinagsasamantalahan.

Itutuloy…

Show comments