Masdan ang Senado at Kamara. Dati, may "interchamber courtesy," kaya hindi nagbabangayan ang dalawa. Pero ngayon, binabanatan ng mga senador ang Kamara, at ng mga kongresista ang Senado. Sa loob ng kanya-kanyang chamber, nagsisiraan din sila. Tinutularan ng madla ang asal-hayop ng mga lider. Kaya kung may Senate leadership coup, meron din sa mga barangay o student councils o civic organizations. Kung may House privilege speech laban sa Korte Suprema na simbigat pero hiwalay na sangay ng gobyerno, nagpaparatang din ang madla sa isat isa.
Masdan din ang media. Maraming exposé kuno ay batay lang sa haka-haka at di sa masusing saliksik. Meron lang kainisan si mediaman, isyu na. Ang maunang magparatang, pinaniniwalaan. Tinutularan din ng madla. Ang haka-haka, pinalalagay na katotohanan.
Pati simbahan, wala nang respeto sa kapwa-institusyon. Kung sermonan ang gobyerno at media, akala moy hindi nagkakasala. Pero kung may malaking sabit ang pari o obispo, pinagtatakpan. Ginagaya ng madla. Tinatago ng pamilya ang krimen ng kaanak, imbis na itakwil.
Sa negosyo, bastusan na rin. Ang matalo sa bidding, hahanap ng butas para hindi ma-award ang kontrata sa kalaban. Misdeal, kumbaga sa baraha. At uso ang panloloko sa customer, imbis na ganap na pagsilbi. Tinutularan din ng maliliit. Lokohan sa munting pasahe, sukli o trabaho.
Ang simbahan ang first estate. Ang gobyerno, second. Ang negosyo, third. At ang media, fourth estate. Mga institusyon sila para patatagin ang lipunan at balansehin ang kapangyarihan. Pero ang pagbabalanse at dapat segun sa respeto sa isat isa at pagsunod sa mabuting-asal. Kung basta lang magtitirahan, nayuyugyog ang lipunan. Kaya naman napaka-gulo ng bansa ngayon. Sira na kasi ang apat na estate.