May punto si BF. Dapat ay nasa tamang lugar ang mga punongkahoy. Hindi sa gitna ng kalsada na makaaabala sa daloy ng trapiko. Ang kinatataniman ng puno sa gitna ng kalsada ay malaking kaluwagan kung tatanggalin doon. Sisihin ang mga pinuno noon na basta na lamang tinaniman ng puno ang mga island. Kapansin-pansin din na ang mga punongkahoy na nasa gitna ng kalsada ang pinagkakabitan o sinasabitan ng mga kung anu-anong posters, banderitas at marami pang iba, na masakit sa mata. Kapag nabuwal ang punongkahoy sa panahon ng bagyo, magiging dahilan ito ng grabeng trapik. Ang mga sanga ng punongkahoy din ang sasabitan ng mga kawad ng kuryente.
May punto si BF para alisin ang mga sagabal na punongkahoy. Pero hindi naman ibig sabihin nito na ang mga papataying puno ay hindi papalitan. Kasunod ng pagputol sa mga puno, dapat ay magkaroon din ng kampanya si BF na ang bawat pinutol ay palitan sa pamamagitan ng pagtatanim sa mga water sheds area gaya halimbawa ng La Mesa Dam. Ang mga lugar na imbakan ng tubig ang dapat na taniman ng punongkahoy para i-hold ang tubig at hindi matuyot ang dam.
Kaalinsabay sa pagputol sa mga punongkahoy sa gitna ng kalsada, ipatupad din naman ni BF ang pagwalis sa mga sasakyang illegal na naka-park sa maraming kalye sa Metro Manila. Isang malaking parking area ang Metro Manila na ang mga motorista ay walang disiplina. Maraming sasakyan ang basta na lamang ipa-park kahit na bawal doon. Isa ito sa nagdudulot ng grabeng trapik. Durugin din naman ang mga corrupt na MMDA traffic enforcers na sa halip ayusin ang trapik, ang pangungutong ang inaatupag.